INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na umaabot sa 453 katao ang iniulat na nasugatan sa gitna ng Traslacion nitong Martes.
Sa pahayag ng Quiapo Church Command Center, inihayag ni DOH Health Emergency Management Bureau chief Dr. Bernadett Velasco na 9 na mga sugatan ang naospital.
Aniya, lahat ng sugatan ay nagtamo lamang ng minor injury.
“Siyam lang po ang pinadala natin sa ospital kasi po inaagapan lang natin iyong kanilang mga nararamdaman at hindi na po natin kayang i-manage kasi merong mga higher na laboratory, diagnostic na kailangan sa kanila,” anang health official.
Ang pinakamalalang kondisyon na natugunan ng medical personnel ng DOH ay ang hinihinalang kaso ng heart attack.
Binabantayan naman ang mga sitwasyon ng nasabing indibidwal.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), walang naitalang krimen sa mga lugar na sakop ng Traslacion.
“So far, zero incident po tayo ngayon, wala po tayong naitatala na victims of crimes,” sabi ni Manila Police District (MPD) Deputy Director for Operations Police Colonel Roderico Roy Jr.
Paliwanag ng opisyal, ang mga deboto ay mas masunurin ngayong Traslacion 2024 dahil sa mas malaking police deployment.
Sinabi naman ni Quiapo Church spokesperson Fr. Hans Magdurulang na mayroon pa rin mga deboto na nagpupumilit makasampa sa Andas kahit pa paulit-ulit ang paalala.
“Kahit na merong tayong paulit-ulit at patuloy na pagpapaalala, pagdating po ng aktuwal na pangyayari ay masasabi natin na hindi na natin makokontrol din at magbibigyan ng perpektong paliwanag at utos ang mga marubdob na damdamin ng ating mga deboto,” ayon kay Magdurulang.
Naging matagumpay naman ang lahat ng plano para sa Traslacion 2024. EVELYN GARCIA