46 SA NARCO LIST BIBIGYAN NG ESCORTS

SECURITY-1

HANDANG magbigay ng seguridad ang Philippine National Police (PNP) sa may 46 na politikong napabilang sa tinaguriang narco list ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito’y ayon kay PNP Spokesman P/Col. Bernard Banac ay kung sakaling mayroong tiyak na banta sa kanilang seguridad ang mga naturang politiko.

Bagama’t bukas naman ang tanggapan ng PNP sa lahat ng taong nagnanais humingi ng kanilang proteksiyon, pero paglilinaw ni Banac, kailangan pa rin itong dumaan sa tamang proseso.

“Nakabukas po ang tanggapan ng PNP sa lahat po ng hihingi ng tulong sa atin. Su­balit, kailangan dumaan ito sa proseso at makita po na validated at napakataas talaga ng standard. Lalo na ngayon nasa election period kailangan na dumaan ito sa Comelec authorization,” pahayag ni Banac.

Mananatili lamang sa dalawa ang maibibigay na security escorts ng PNP na alinsunod sa itinatakdang polisiya ng Comelec.

“Oo mananatili ang polisiya na hanggang dalawa lang talaga ang maibibigay na uniform security alinsunod ‘yan sa ipinatutupad na under the Omni-bus Election Code at itong mga resolusyon ng Comelec,” ani Banac.

Samantala, hindi  pa rin lusot sa kaso ang mga tinaguriang narco politicians na hindi pa napapangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte subalit ka-bilang sa kaniyang narco list.

Nagpapatuloy pa rin  ang revalidation at imbestigasyon sa iba pang mga pangalan batay sa nagkakaisang hakbang ng Inter-Agency Council on Ille-gal Drugs o ICAD sa pangunguna ng PDEA.

Magugunitang 46 na pangalan lamang ang isinapubliko ng pangulo noong Biyernes na una na ring ipinagharap ng reklamong administratibo sa tanggapan ng Ombudsman.

Paliwanag pa ng opisyal, matitibay ang mga hawak na ebidensya ng pamahalaan laban sa naunang pangalan na inilabas ng pangulo na aniya’y nagpabaya umano sa pagkalat ng ilegal na droga o naging protektor sa kalakalan nito sa bansa.      JAYMARK DAGALA-DWIZ882

Comments are closed.