MAYNILA – INARESTO ng Bureau of Immigration ang 46 Chinese na wanted sa Beijing dahil sa kasong economic crimes.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ang nasabing mga puganteng dayuhan ay sangkot sa cyber fraud operations sa mga call center na ilegal nilang ino-operate sa bansa.
Naaresto, aniya, ang mga ito sa magkahiwalay na operasyon na isinagawa ng mga ahente ng BI Fugitive Search Unit (FSU) sa Makati at Muntinlupa City kasunod ng kahilingan ng Chinese Embassy sa Maynila.
“We received information from the Chinese authorities that these fugitives are hiding in the Philippines. “We immediately conducted our investigation upon receipt of information, and discovered that there were more fugitives involved conducting their illegal activities,” ani Morente.
Nalaman na 30 Chinese ang naaresto sa tatlong magkakahiwalay na residential condominium building sa Makati habang ang 16 iba pa ay naaresto sa follow-up operation sa loob ng bahay sa Tanauan St., Ayala Alabang Village sa Muntinlupa.
Sasailalim sa deportation proceedings ang 46 banyaga sa paglabag sa Philippine Immigration Act.
Sinabi naman ni BI Intelligence Officer, FSU Chief Bobby Raquepo na karamihan sa mga naaresto ay undocumented aliens dahil nakansela na ang kanilang mga pasaporte ng gobyerno ng China. PAUL ROLDAN
Comments are closed.