MAYNILA – PATULOY na nadaragdagan ang bilang ng mga gumaling na COVID-19 patients.
Sa ulat ng Department of Health (DOH) mayroong 107 pasyente na bagong nakarekober mula sa coronavirus kaya umakyat na sa 4,637 ang pasyenteng gumaling mula sa sakit.
Sumampa naman sa 22,474 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases na naitala sa bansa.
Batay sa datos na inilabas ng DOH, nabatid na nakapagtala pa sila ng 579 na karagdagan pang kaso ng sakit hanggang 4PM ng noong Lunes.
Subalit sa bilang na ito ay 331 ang fresh cases habang 248 naman ang late cases.
Sa fresh cases na ito, 114 ang mula sa National Capital Region (NCR), 156 sa Region 7, ang 60 pasyente naman ay mula sa iba pang lugar sa bansa, habang isa naman mula sa hanay ng repatriates.
Sa mga late case naman, ang 106 ay mula sa NCR, 5 sa region 7 at 106 naman sa iba pang lugar sa bansa, at 31 naman mula sa hanay ng repatriates o nagbalik-bansa.
Habang walo ang naiulat pang nasawi dahil sa virus kaya’t ang total COVID death toll sa bansa ay nasa 1,011 na. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.