MULI na namang namahagi ang Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) ng mga sako sakong bigas, kahon- kahon na noodles, face masks at vitamins para sa 47 barangays.
Pinangunahan ni Dr. Henry Lim Bon Liong, presidente ng FFCCCII ang isinagawang Covid Relief Operation na dinaluhan ng ibat ibang lokal na opisyal kabilang si MMDA Edsa Traffic Czar Col. Bong Nebrija na isa sa pangunahing bisita.
Ayon kay Dr. Lim, tuloy tuloy ang pagtulong ng Federation sa pamamagitan ng Filipino Chinese Community Calamity Fund katuwang din ang ibat-ibang Filipino-Chinese organizations kung kayat mas napalawak pa ang kanilang mga inisyatibong donasyon para sa mga nangangailangan.
Kabilang pa sa mga nabigyan ng donasyon ay ang local officials gayundin ang mga fire volunteer na ginanap sa Federation Center sa Binondo, Manila.
Pinasalamatan naman nina FFCCCII Dr. Fernando Gan, secretary general, Mr. Wilson Lee Flores, chairman ng Information and Media Committee at ni Ms. Lily Lim ang mga media partners na katulong ng Federation sa mga makabuluhang programang nakakatulong sa mga kababayang maralita.
Samantala, ilan naman sa mga tumanggap kahapon ng mga donasyon ay ang Basilica de San Sebastian Shrine of Our Lady of Mount Carmel sa Quiapo Manila; Archdiocesan Shrine of Our Lady of Lorenzo sa Plaza Figueroas, Sampaloc: Publishers Association of the Philippines Inc.; Barangay 678 Zone 74 District 5 ng Maynila; Blue Eagle Fire Volunteer & Rescue Group; Old Paranaque Fire Volunteer Brigade Inc. at iba pang samahan. BENJIE GOMEZ