APATNAPU’T pitong rookie hopefuls ang dumating sa Gatorade Hoops Center sa Mandaluyong kung saan idinaos ng PBA ang 2018 Draft Combine nito.
Nangunguna sa mga inaasahang top picks sa draft sina dating Lyceum of the Philippines University star CJ Perez, dating San Beda University ace Robert Bolick, at Alab Pilipinas top gun Bobby Ray Parks, Jr.
Sa 48 players na nag-apply sa draft, tanging si dating University of the East player RR de Leon ang hindi nagpakita sa Combine, na isang requirement para sa lahat ng rookie hopefuls. Dahil dito ay hindi na siya makakasama sa official draft list.
Ang official height ng mga player ay sinukat sa umaga at sumailalim din sila sa agility drills bago naglaro sa scrimmages sa hapon.
Nanguna sa shuttle run si John Ragasa ng St. Mary’s University, na naorasan ng 21.97 segundo.
Nadominahan naman ni dating Far Eastern University guard Joe Trinidad ang three-quarter court sprint sa bilis na 3.25 segundo, habang nagposte si dating University of Santo Tomas center Jeepy Faundo ng pinakamataas na vertical leap sa 33.29 inches.
Nagbida si Dan Wong ng Ateneo de Manila University sa max touch, sa 39.19 inches, habang si dating Mapua University guard CJ Isit ang nanguna sa dalawang drills, kung saan nagtala siya ng 11.2 segundo sa lane agility test, at may 84% mark sa reaction test.
Ang mga rookie hopeful ay hinati sa anim na koponan na maglalaro sa scrimmages ng dalawang araw.
Gaganapin ang draft sa Disyembre 16 sa Robinson’s Place Manila, kung saan ang Columbian Dyip ang may karapatan para sa No. 1 pick.
Ang Thursday session ng 2-day Draft Combine ay susubok sa kakayahan ng mga player laban sa isa’t isa at magtatapos sa mini-tournament.
Comments are closed.