47,785 PDLs BOBOTO SA HALALAN SA MAYO

INIHAYAG ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na kabuuang 47,785 persons deprived of liberty (PDLs) ang rehistrado at nakatakdang bumoto sa national and local elections sa bansa sa Mayo 9.

Ayon kay BJMP spokesperson Jail Superintendent Xavier Solda, tulad sa absentee voting, ang naturang PDLs ay maaari lamang bumoto ng national candidates, kabilang ang presidente, bise presidente, mga senador at party-list group.

Paliwanag ni Solda, kung ang botanteng PDLs sa isang pasilidad ay nasa 50 lamang pababa, sila ay ililipat sa isang polling precinct upang makaboto.

Gayunpaman, kung sila ay nasa 51 pataas, ang mismong pasilidad na kinaroroonan nila ang gagamitin bilang special polling place at ang mga personnel ng Commission on Elections (Comelec) ang personal na magtutungo doon upang magdaos ng halalan.

“Doon sa polling precinct sa labas ng facility, meron diyang mga special lanes para sa mga PDLs natin at na-coordinate na natin ito sa mga enforcers natin sa grounds kasama diyan ang PNP at AFP. Dapat may authority din from the court o court order na pinapayagan sila lumabas para bumoto,” ani Solda sa isang panayam.

Ang PDLs naman na kakikitaan ng sintomas ng COVID-19 sa mismong araw ng halalan ay susuriin muna ng mga nurse at saka sasailalim sa antigen test upang matukoy kung makakaboto sila o hindi.

“Ang sa amin lang naman, gusto natin na mapagtibay ‘yung karapatan nila sa pagboto pero hindi nangangahulugan na magkakaroon tayo ng problemang pangkalusugan para sa ibang tao. Dito sa mga PDLs natin, iche-check muna natin talaga muna,” giit pa ni Solda.

Upang matulungan naman aniya ang mga PDLs na malaman ang mga plataporma ng mga kandidato at makapamili ng kandidatong karapat-dapat iboto, binigyan sila ng BJMP ng access sa mga radyo at telebisyon upang makapanood ng mga interbyu at debate ng mga ito. EVELYN GARCIA