TUMANGGAP na ng kanilang unang dose ng bakuna ang 47,137 kabataan na nasa 12 hanggang 17 taong gulang sa Taguig nitong Biyernes o katumbas ng 52 porsiyento ng 90,092 populasyon sa nasabing edad.
Sa report ng lokal na pamahalaan ng Taguig, bukod sa mga kabataan na nakatanggap na ng kanilang unang dose ng bakuna ay naturukan na rin ng ikalawang bakuna ang 21,109 kabataan na sa ngayon ay mga fully vaccinated na na may katumbas na 23.4 porsiyento inestimang populasyon ng lungsod.
Sa nagamit na bakuna ng lokal na pamahalan ay umabot sa 68,246 doses ang naiturok sa mga residente sa mga vaccination centers ng lungsod.
Sa kabuuang bilang naman ng mga indibidwal na nabakunahan ay umabot na sa 793,513 ang nabakunahan ng unang dose kabilang ang 42,949 indibidwal sa private vaccination centers o 91 porsiyento ng populasyon ng lungsod na 872,980.
Sa mga tumanggap ng ikalawang dose o mga fully vaccinated na mga indibidwal ay umabot na rin sa 702,983 kabilang na rin ang 32,266 na napagkalooban ng bakuna sa mga private vaccination centers o katumbas ng 81 porsiyento ng kabuuang populasyon ng lungsod.
Nabatid na ang isa sa nagpababa ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa lungsod bukod sa malawakang baksinasyon ay ang patuloy na pagsunod ng mga residente sa ipinatutupad na health at safety protocols.
Kaya’t umaasa ang lokal na pamahalaan na ngayong buwan ng Disyembre ay magkaroon na ang lungsod ng masayang pagdiriwang ng Pasko, pagbubukas ng ekonomiya at makalabas na rin ng bahay ang mga bata para makapamasyal.
Sa datos ng Disyembre 11 ay nakapagtala ang lungsod ng 48 aktibong kaso kabilang ang 12 bagong kaso ng virus sa kabuuang 52,329 kumpirmadong kaso ng ng COVID-19 habang 51,842 ang mga naka-recover na at 439 ang mga namatay.
Kasabay nito ay naglabas din ng Advisory No. 60 ang Taguig Safe City Task Force kung saan ang mga bazaars, parties at pagtitipon, religious gatherings at mga selebrasyon ay kailangang kumuha ng approval na manggagaling sa lokal na pamahalaan. MARIVIC FERNANDEZ