NANGAKO kanina si Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang lalagdaan sa loob ng 48 oras ang Bangsamoro Organic Law.
Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ay iginiit ni Duterte na hindi niya ipagkakait sa mga Muslim ang pagkakataon para tahakin ang sarili nilang landas, sang-ayon sa Saligang Batas ng bansa.
Pero ayon sa Pangulo, kanya munang babasahin ang laman ng binuong BOL bago pirmahan dahil baka umano may isingit dito ang mga mambabatas.
Kanina dapat lalagdaan ng Pangulo ang panukala, ngunit hindi ito natuloy dahil sa pag-adjourn ng sesyon sa Kamara bago pa ito maratipikahan.
Sinasabing mistulang na-hostage ang BOL nang biglang magmosyon si Deputy Majority Leader Rimpy Bondoc na i-adjourn ang sesyon para sa SONA.
Agad namang tumutol dito si Deputy Speaker Rolando Andaya dahil sa may naiwan pang agenda sa plenaryo.
Ayon kay Akbayan Rep. Tom Villarin, mistulang ‘intramurals’ ang nangyari dahil mismong ang mga magkakaalyado ang nagbabanggaan dahilan kaya naiipit ngayon at ginawang ‘casualty’ ang BOL.
Mababatid na nagkabanggaan noon sina House Speaker Pantaleon Alvarez at Davao City Mayor Sara Duterte kaya maaga pa lamang ay naging maugong na ang balitang papalitan ang house leadership.
STATUS QUO: ALVAREZ UMUPO PA RIN SA SONA
Mahigit sa isang oras naantala ang ikatlong SONA ng Pangulong Duterte matapos na isulong ng mayorya ng mga kongresista ang pagluluklok kay dating pangulo at ngayon ay 2nd Dist. Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo bilang pinakamataas na lider ng Kamara. Base sa tradisyon ay alas-4 ng hapon ang pagsisimula ng SONA.
Bago pa man lumapag ang presidential chopper sa Batasan Complex, tensiyonado na sa plenaryo ng lower house matapos na basahin ni Camarines Sur Rep. Rolando Andaya ang isang manipesto, na nagsasaad na ninanais ng nasa 186 diumano na mga mambabatas na maging bagong speaker si GMA kapalit ni 1st Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez.
Subalit habang nagsasalita si Andaya ay biglang nawala ang ‘audio’ sa plenaryo at hindi naman ito naging hadlang para ituloy nila ang tuwirang paghirang kay Arroyo bilang bagong pinakamataas na lider ng Kamara.
Inalalayan pa ni Deputy Speaker at Capiz Rep. Fredenil Castro ang former chief executive sa rostrum ng kanilang plenaryo kung saan bagama’t naka-off ang ‘sound system’ ay pasigaw na ipinaabot ng huli ang kanyang pasasalamat sa mga sumuporta sa pagiging kauna-unahan niyang lady speaker.
Kasunod namang ginawa ang panunumpa kay Arroyo bilang bagong lider ng lower house kung saan sinamahan siya ng mga kaalyado niyang kongresista. Ilang minuto ring nanatili sa rostrum si Arroyo at umupo sa silya para sa ‘speaker’ na katabi ng upuan para sa pangulo sa pagdaraos ng SONA.
Kasabayan ng kudeta ng Arroyo allies ay pormal namang sinalubong ni Speaker Alvarez si Pangulong Duterte papasok sa plenary building, dumiretso sila sa Presidential Legislative Liaison Office (PLLO), na ‘holding area’ para sa pangulo.
Nagkaroon ng pag-uusap sa holding area hanggang sa mapagkasunduang status quo muna hanggang sa ipatawag ng Pangulo ang ilang mambabatas na sumusuporta sa pagpapatalsik kay Alvarez para mapayapa ang tensiyon at kalaunan ay nagkasundo na ang Davao del Norte solon pa rin ang makakasama sa rostrum nina Duterte at Sotto bilang ‘speaker’ sa pagdaraos ng SONA. ROMER R. BUTUYAN
KAMPANYA VS DROGA PALALAKASIN
MAGPAPATULOY at mas lalo pang palalakasin ng pamahalaan ang kampanya kontra sa ilegal na droga.
Ito ang tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikatlong SONA at nanindigang hindi hahayaan na sirain ng droga ang mga kabataan, mga pamilya at ang komunidad sa pangkalahatan.
“The war against illegal drugs is far from over. Where before, the war resulted in the seizure of illegal drugs worth millions of pesos, today, they run into billions in peso value. I can only shudder at the harm that those drugs could have caused had they reached the streets of every province, city, municipality, barangay and community throughout the country,”wika ng Pangulo.
Nagbabala ang Pangulo sa drug dealers na patuloy pa rin sa kanilang negosyo sa droga at tiniyak na haharapin ang pinakamabigat na kaparusahan sa sandaling mahuli sila dahil sa kanilang mga kriminal na gawain.
Ayon sa Pangulo, sakaling maging madugo ang drug operations at buweltahan siya ng mga advocate ng human rights groups ay hindi siya manghihinawa na tugisin ang mga drug lord at drug pushers hanggang sa mawakasan ang kanilang ilegal na gawain. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.