UMAABOT sa 4,801 personnel ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at mga attached agencies nito ang dinapuan ng COVID-19.
Sa Talk to the People briefing ni Pangulong Rodrigo Duterte, iniulat ni DILG Secretary Eduardo Año sa pangulo na maging siya ay hindi nakaligtas sa panibagong surge ng virus at sa ikatlong pagkakataon ay muli siyang dinapuan.
“Ang aking unang ibabahagi po, Mr. President, ay ilalahad ko muna ang epekto ng surge ho ng Omicron sa DILG. Sa ngayon po ay kami ang isa sa pinakanaapektuhan sapagkat umaabot na po sa 4,801 ang active cases sa buong DILG kasama na po ang inyong lingkod,” pahayag ni Año.
Ayon sa kalihim, hanggang nitong Lunes, ang Philippine National Police (PNP) ay nakapagtala ng may pinakamaraming bilang ng naitalang COVID-19 active infections na umabot sa 4,015.
Kasunod naman aniya ang Bureau of Fire Protection (BFP) na may 471 at DILG central at regional offices na may 98 cases.
Ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) aniya ay nakapagtala ng 91 cases, kasunod ang National Police Commission (Napolcom) na may 60; Philippine Public Safety College na may 13; Philippine Commission on Women na may 13; Local Government Academy na may 10; National Youth Commission na may apat at National Commission for Muslim Filipinos na may isang kaso.
Samantala, mayroong apat na gobernador at 21 alkalde ang kumpirmadong dinapuan ng COVID-19.
EVELYN GARCIA