49 NASAGIP SA LUMUBOG NA BANGKA

bangka

PASAY CITY – NASAGIP ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 49 pasahero ng isang motor banca na lumubog sa baybaying sakop ng Calbayog, Samar.

Sa ibinigay na report ni PCG Spokesperson  Armand Balilo, sakay ng MBCa Mia Romcis ang  49 katao kabilang ang mga crew nang makasa-gupa ang malakas na hangin at malalaking alon sa  Brgy. Aguititan, Calbayog.

Umalis umano ang banca sa Calbayog City  patungong Tagpulan, W. Samar kung saan 100 metro na ang layo mula sa Port of Calbayog nang makaranas ng masungit na panahon sa nasabing baybayin.

Agad na lumubog ang banca matapos pasukan ng tubig gayunman maagap namang nagsagawa ng search and rescue operation ang mga tauhan ng PCG at na-rescue ang mga pasahero at mga tripulante.

Hinila naman pabalik ng port of Calbayog ang motor banca. PAUL ROLDAN