CAMP CRAME -UMAKYAT na sa 49 katao na nagpapakalat ng fake news at online scammers ang nahuli ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) .
Ito ang kinumpirma ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac.
Aniya, simula Marso 9 hanggang nitong Abril 13 ay 47 na mga indibiduwal na nagpakalat ng fake news patungkol sa COVID-19 ang kanilang nahuli habang ang dalawang naaresto ay online scammers.
Dalawampu’t apat sa mga ito ay nasampahan na ng kaso ng PNP Anti-Cyber Crime.
Samantala, pinabulaanan naman ng PNP ang mga kumakalat na text tungkol sa umano’y standardization ng salary pension ng PNP retirees.
Sinabi ni Banac, na batay sa impormasyon mula sa PNP Retirement and Benefits Administration Service (PRBS) wala silang direktiba na tataas ng 29 percent ang pensiyon ng mga PNP retirees.
Panawagan ni Banac sa publiko na huwag magpakalat ng mga hindi berepikadong impormasyon upang hindi maaresto at makasuhan. REA SARMIENTO
Comments are closed.