CAGAYAN-UMAABOT sa 491 chainsaw na walang kaukulang permit ang nakumpiska ng pulisya kabilang ang iba pang mga isinuko sa lalawigang ito.
Isinagawa ang operasyon ng PNP Cagayan bilang pagpapalakas sa kampanya kontra illegal logging sa pamumuno ni P/Col. Ariel Quilang, provincial director ng Cagayan Police Provincial Office.
Bukod sa mga sumuko, 10 katao ang naaresto sa mga operasyon ng pulisya at apat rito ang kasalukuyan pang dinidinig ang kaso sa korte.
Sa taong 2019, sinabi pa ni P/Col. Quilang na 31 operasyon ang naisagawa kung saan 44 katao ang naaresto at sinampahan ng kaso kung saan 25 ang kasalukuyang dinidinig sa korte.
Tinatayang nasa 11,433 board feet na ilegal na pinutol na punongkahoy ang nasabat ng kanyang mga tauhan, habang 755 board feet ang narekober na inabandona ng may-ari.
Sa kabila nito, sinabi ni Forester Mario Hipolito ng Provincial Natural Resources and Environment Office (PNREO) na laganap sa lalawigan ang pagsusunog ng mga residente sa mountainous areas para gawing agricultural lands.
Gayunman, sinabi pa ni Hipolito na patuloy ang koordinasyon ng apat na PNREO’s ng lalawigan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para mapangalagaan ang kagubatan.
Kabilang rito ang pagpapatupad ng mga programa at proyekto sa kada komunidad na may kinalaman sa forest protection. IRENE GONZALES
Comments are closed.