INIHAYAG ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr., na may kabuuang 493 local government units (LGUs) sa buong bansa ang kuwalipikado para sa 2023 Seal of Good Local Governance (SGLG).
Ayon kay Abalos, ang SGLG awardees ngayong taon ay binubuo ng 28 probinsya, 64 lungsod at 401 munisipalidad na sa kabuuan, 94 LGUs ang nakakuha ng parangal sa unang pagkakataon.
Nanguna ang Central Luzon sa listahan ng mga awardees na may 84, sinundan ng Ilocos Region na may 70 at Cagayan Valley na may 41.
Labing-isang lungsod ng Metro Manila din ang nakakuha ng parangal at ang mga ito ay ang Caloocan, Malabon, Mandaluyong, Marikina, Muntinlupa, Navotas, Pasay, Pasig, San Juan, Quezon City, at Valenzuela.
Nilinaw ng kalihim na ang mga pinahusay na pamantayan ng pagganap ng SGLG ay nakatuon sa pagsisikap ng mga LGU sa pagtugon sa mga kasalukuyang hamon sa lokal na administrasyon at paghahatid ng serbisyo publiko.
Pinagtibay sa pamamagitan ng Republic Act 11292, ang SGLG ay isang institutionalized award, incentive, honor, at recognition-based program na naghihikayat sa mga LGU na paunlarin at pagutihin ang kanilang pagganap sa iba’t ibang larangan ng pamamahala.
Lahat ng LGU awardees ay tatanggap ng SGLG marker at SGLG Incentive Fund na P4 milyon para sa mga probinsya, P2.3 milyon para sa mga lungsod, at P1.8 milyon para sa mga munisipalidad.
Ang 2023 SGLG national awarding rites ay gaganapin sa Manila Hotel sa Disyembre 13-14. EVELYN GARCIA