ITINUTURO si Cotabato City Mayor Cynthia Guiani-Sayadi na siya umanong utak sa malawakang diskuwalipikasyon ng mahigit sa 4,000 botante na pabor sa Bangsamoro Organic Law (BOL) upang umano’y walisin ang kanyang mga kalaban sa politika.
Nagsampa ng petisyon ang mga kapitan ng barangay ng Cotabato City sa local na tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) na humihiling na alisin sa voters’ list ang libo-libong rehistradong botante, dahil hindi umano doon nakatira ang mga ito.
Ang petisyon ng mga barangay official, na umano’y pinakilos ni Sayadi, ay humihingi ng diskuwalipikason maging ng mga kilalang lider sa Mindanao, kabilang na sina dating chairman ng Bangsamoro Transition Commission (BTC) at ngayon ay chair ng MILF Implementing Panel Mohagher Iqbal, gayundin si Maguindanao at Cotabato City Congresswoman at BOL champion Bai Sandra Sema.
Ito ay sa kabila ng pagiging matagal nang residente ng Cotabato City ng dalawang prominenteng lider, na nagkataong kapuwa nagsusulong ng BOL.
Ang pagkilos ng mga opisyal ng barangay ay pinaniniwalaang may kumpas ng alkalde, na matagal nang humahadlang at tumutuligsa sa BOL at sa pagsama sa Cotabato City bilang bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Noong Hulyo, sinabi ni Sayadi sa isang panayam na makatatayong mag-isa ang Cotabato City kahit hindi ito mapabilang sa Bangsamoro. Sinabi pa nito na mahigit sa 300,000 mamamayan ng lungsod ang umano’y tutol sa Bangsamoro kung gagawin ang plebisito ng mga oras na iyon.
Ito ay sa kabila ng malawakang suportang ipinakikita ng iba’t ibang grupo at ng mga mamamayan sa ratipikasyon ng BOL, kung saan may mga grupo pang nagsusulong ng “Zero No” vote sa plebisitong nakatakda sa January 21.
Kinuwetisyon ng petisyon ang pagdagsa ng libo-libong bagong registrants sa Cotabato City subalit lumitaw sa imbestigasyon na ito ay dahil sa nakatakdang plebisito para sa BOL sa Enero kung saan nagpahayag ang mga residente ng Cotabato City na ito ang panahon upang sila ay magpa-register at makaboto.
Ayon sa mga residente, ang BOL ang katuparan ng matagal nang pangarap ng mga Muslim na magkaroon ng karapatang magdesisyon para sa kanilang sariling kaunlaran gayundin sa pagkamit ng matagal nang inaasam na kapayapaan at pagkakaisa sa pagitan ng mga Muslim at Kristiyano sa bansa.
Sumugod sa COMELEC ang isa sa mga bagong registrant na si Sarulah Bansuan matapos malamang isa siya sa mga pangalang ipinapadiskuwalipika ng mga lider ng barangay.
Ayon kay Sarulah, hindi niya papayagang maalis siya sa listahan ng mga botante dahil gusto niyang gamitin ang kanyang karapatang bumoto para sa pagpasa ng Bangsamoro Organic Law sa plebisito sa Enero.
Daan-daang mainstream Islamic theologians pati na mga lider ng Lumad at Simbahang Katoliko, sa pangunguna ni Cardinal Orlando Quevedo, ang nangakong susuporta sa “yes” vote sa BOL plebiscite sa January 21.
Inaasahang simula pa lamang ito ng mainit na bakbakan sa pagka-alkalde ng Cotabato City at sa nalalapit na plebisito para sa ratipikasyon ng BOL. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.