4K EKTARYA NG MAISAN INATAKE NG MGA PESTE

CAGAYAN-AABOT sa milyong halaga ang nalugi sa mga masasaka kung saan ay mahigit sa apat na libong ektarya na tanim na mais ang napinsala sa pag-atake ng mga peste sa Rehiyon 2.

Ayon kay Senior Science Research Specialist Minda Flor Aquino ng Department of Agriculture (DA) Regional Crop Pest Management Center, dalawang peste ang umaatake sa mga pananim na mais ng mga magsasaka na kinabibilangan ng mga fall armyworm at corn planthopper.

Sa isinagawang pagsusuri sa mga tanim na mais, sinabi ni Aquino na ang mga fall armyworm at corn planthopper na siyang umanong nakaapekto sa mahi­git na 4,041 ektaryang tanim na mais na ang pinaka­­m­a­raming naapektuhan ay mula sa lalawigan ng Isabela na may 3,387 hectares, sumunod ang Cagayan na mayroong 441 hectares habang sa Nueva Vizcaya ay 175 hectares at sa Quirino na may 37 hectares.

Ayon pa sa DA, kapag napabayaan ang mga pesteng umaatake sa mga maisan ay maaaring magkaroon ng pinsala na 50-80% ng mga pananim.

Kaya’t pinapayuhan ang mga magsasaka na obserbahang mabuti ang kanilang mga pananim at kung mapansin ay i-report agad sa tanggapan ng DA.

Ang mga corn planthopper ang sumisipsip sa dagta ng mga tanim na mais at makikita rin ang mga puting kulay sa likod ng dahon ng mga mais na siyang itlog ng peste.

Kapag sobra na ang pag-atake ng corn planthopper ay mangingitim ang mga dahon ng mga tanim na mais. IRENE GONZALES

One thought on “4K EKTARYA NG MAISAN INATAKE NG MGA PESTE”

Comments are closed.