NAIPAMAHAGI na ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas ang P8,000 cash assistance sa 4,000 pamilyang naging kwalipikado sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) habang nararanasan ng buong mundo ang krisis na idinudulot ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Junet Barilla, hepe ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), nagsimula silang mamahagi ng cash assistance sa limang barangay sa lungsod noong Abril 15 kung saan ang mga barangay na may mga benipisyaryo ay nagmula sa mga barangay Ilaya, Pulang Lupa Dos, CAA, Talon 3 at Almanza Dos.
Kasabay nito, sinabi ni Barilla na kanila nang isinumite sa DSWD ang listahan ng mga pangalan ng mga kwalipikadong pamilya na naka-tanggap na ng cash aid sa ilalim ng SAP.
Aniya, kasalukuyang nagsasagawa ng validation kasabay ng pamamahagi ng SAC form sa mga kwalipikadong pamilya sa 15 pang barangay sa lungsod.
Paliwanag ng Barilla, mahigpit ang kanilang ginagawang validation at evaluation dahil ang DSWD national ang nagdedesisyon kung sino sa mga kwalipikadong pamilya ang talagang makatatanggap lamang ng cash assistance ng ahensiya.
“Nadi-disqualify ang isang kwalipikadong pamilya kung miyembro na sila ng 4Ps dahil meron na sila sa cash card nila, kapag registered ng formal sectors kung saan sila ay dapat mag-apply ng ayuda sa DOLE, kung government employees din, habang ang mga Grab driver, jeepney at taxi drivers naman sa LTFRB assistance,” sabi ni Barilla.
“Ang senior citizen na hindi kabilang sa “poorest of the poor” o ng middle class ay hindi automatic na qualified sa SAP cash aid,” paglilinaw pa ni Barilla. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.