(4k iskolar sa kolehiyo makikinabang) 10-STOREY SCHOOL BUILDING SINIMULAN NA

SINIMULAN na ng Pamahalaang Lokal ng Lungsod ng Las Piñas ang konstruksiyon ng bagong gusali ng Las Piñas City College of Engineering Nene Aguilar Campus sa Barangay Talon Dos.

Ito ay matapos isagawa ang simpleng seremonya ng ground breaking nitong Martes sa pangunguna ni City Mayor Imelda “Mel” T. Aguilar kasama ang Vice Mayor na si April Aguilar upang pormal na bigyang-hudyat ang pagsisimula ng konstruksiyon ng 10 na palapag na gusali ng naturang kolehiyo.

Sinabi ng alkalde na ang pagtatayo ng karagdagang gusali sa kolehiyo ay bahagi ng kanyang pinaprayoridad na programang pang-edukasyon upang maihatid ang mas dekalidad na edukasyon at libreng pag-aaral para sa mga Las Piñeros.

Idinagdag pa ng alkalde na naging posible ang proyektong ito sa tulong ng bise-alkalde at sa pinamumunuang Sangguniang Panlungsod (City Council) upang maglaan ng sapat na pondo na gagamitin sa ganitong magagandang programa ng lokal na pamahalaan.

Inihayag din nito na mahigit sa 4,000 na iba pang iskolar ng Las Piñas ang inaasahang makikinabang sa libreng pag-aaral sa kolehiyo kapag nakumpleto ang konstruksiyon ng naturang campus.

Binigyang-diin pa ng alkalde ang importansiya ng bagong kolehiyo dahil mabibigyan ng maganda at makabagong mga pasilidad ang mga estudyante na nagnanais mag-aral ng libre sa iba’t ibang kurso ng engineering.

Tiwala ang alkalde na sa pamamagitan nito ay makalilikha ng maraming mahuhusay at propesyunal na inhinyerong taga-Las Piñas na maghahatid ng tagumpay at karangalan hindi lamang sa lungsod kundi sa ibang panig ng daigdig.

Samantala dumalo rin sa kaganapan ang mga konsehal ng Las Piñas na sina Councilors Danilo Hernandez, Mark Santos, Peewee Aguilar, Lord Aguilar, Florante Dela Cruz, Henry Medina, Roberto Cristobal, Rachelle Dela Peña, department heads at si DFCAM-CLP President Ramoncito Jimenez. MARIVIC FERNANDEZ