PINAYUHAN ni Senador Francis ‘Tol’ Tolentino ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maglatag ng plano kung paano mas makukumbinsing magpabakuna ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) ng pamahalaan.
Sa pagdinig ng Senado sa panukalang budget ng DSWD para sa susunod na taon, pinalagan ni Tolentino ang suhestiyon ng Department of Interior and Local Government (DILG) na tanging mga bakunadong 4Ps beneficiaries lamang ang dapat tumanggap ng buwanang ayuda mula sa gobyerno upang mapilitan ang mga hindi pa nabibigyan ng bakuna na magpaturok kontra COVID-19 virus.
Sa datos na binanggit ni Tolentino, nasa 16 na porsiyento pa lamang ng 4Ps beneficiaries ang bakuna.
Aminado si Tolentino na nakadidismaya ang mababang vaccination rate sa mga benepisyaryo ng 4Ps subalit tiwala siya sa kakayahan ni DSWD Sec. Rolando Joselito Bautista na makakapaglatag ito ng mga malikhain at epektibo subalit makataong pamamaraan upang ang mga kabilang sa nabanggit na sektor ay mahikayat na magpabakuna.
“He can give some incentives or he can tie-up with the Secretary of Health. Perhaps this can all be linked and produce a more meaningful vaccination program. That is really the order of the day to enable our economy to open, and I believe General Bautista can do this,” ani Tolentino.
Aprub naman para kay Senadora Imee Marcos, vice-chair ng Senate Committee on Finance ang mungkahi ni Tolentino, kung saan dinagdag pa nito na dapat mas palaganapin ng pamahalaan ang pagpapakalat ng impormasyon na nakabatay sa siyentipikong pananaliksik upang mas maraming 4Ps beneficiaries pa ang magbakuna. VICKY CERVALES