(4Ps beneficiaries hinimok magparehistro) DISCOUNT SA KORYENTE

HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na magparehistro sa lifeline electricity rate program ng gobyerno para makakuha ng diskwento sa kanilang electricity bill.

“Pamaskong handog ito para sa mga kababayan nating sadyang hirap sa buhay. Palalawigin pa ng gobyerno ang subsidiya sa koryente pagdating ng Enero 2024,” ayon kay Gatchalian, pangunahing may akda ng Republic Act 11552 o Act Extending and Enhancing the Implementation of the Lifeline Rate.

Binigyan pa ng pagkakataon ng tripartite body na binubuo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Energy (DOE), at Energy Regulatory Commission (ERC) ang lahat ng 4Ps beneficiaries na makapagparehistro hanggang Enero ng 2024 upang makapasok sila sa bagong Lifeline Rate Program at makakuha ng diskwento sa kanilang bayarin sa koryente.

Upang mapakinabangan ang subsidiya, sinabi ni Gatchalian na ang mga benepisyaryo ay kailangang kumokonsumo ng hindi hihigit sa 100 kilowatt-hours ng koryente kada buwan.

Saklaw ng programa ang mga sambahayan na hindi makabayad ng kanilang mga bayarin, kabilang ang mga benepisyaryo ng 4Ps, o mga customer na itinuturing na nabubuhay sa ilalim ng poverty threshold na itinakda ng Philippine Statistics Authority (PSA).

“Itinulak namin ang batas na ito dahil gusto naming mas maraming tao ang makinabang sa subsidy program,” sabi ng senador. Aniya, para sa mga nakatira sa loob ng franchise area ng Manila Electric Company (Meralco), ang subsidy ay maaaring nasa pagitan ng 20 hanggang 100 porsiyento depende sa gamit o kinokonsumo nilang koryente. Kung bumaba man ang rate ng koryente, ito ay dahil na rin sa umiiral na mga rate ng distribution utilities o electric cooperatives.

Binigyang-diin pa ni Gatchalian na dapat tiyakin ng tripartite body na hindi gawing masalimuot ang enrollment para sa mga benepisyaryo ng 4Ps.

“Kailangang pag-ibayuhin ng gobyerno ang mga pagsisikap na makuha ang mga karapat-dapat na sambahayan o mga pamilya sa listahan ng mga benepisyaryo at tiyakin na ang pamamaraan ng pagpaparegister ay parehong maginhawa at mabilis.  Dapat din magkaroon ng mas pinaigting na information and dissemination campaign para maabot ang lahat ng benepisyaryo,” ani Gatchalian.

Ayon sa senador, layon ng subsidiya na tulungan ang electricity consumers na apektado ng pabago-bagong presyo ng gasolina at mataas na halaga ng mga pangunahing bilihin.

VICKY CERVALES