4Ps MEMBER ISA SA TOP 10 NG MIDWIFERY LICENSURE EXAM

ISANG kabataan na dating benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang isa sa topnotchers nitong November 2023 Midwifery Licensure Examination mula sa Barangay Mainit, Brooke’s Point, Palawan.

Kinilala ang 22-anyos na si Kim Inde, isa sa limang anak nina Renecio at Nelita Inde, kapwa coconut farmers sa nasabing lalawigan na kabilang sa 4Ps taong 2024.

Si Kim ay isa sa nakakuha ng pinakamataas na marka sa 4,119 na kumuha ng licensure examination para sa midwifery.

Nakakuha si Kim ng 90.60% grado at nakamit ang ika-9 na puwesto.

Sa kasalukuyang ang 4Ps program ay nakalikha ng 40 board topnotchers na kasama sa lumalaking bilang ng may 4,100 board examination passers.

“Dumating sa punto na halos wala na kaming makain. Saging at kamote na lamang lalo kapag hindi panahon ng pag-aani at pagkokopra. Nagtiyaga ang aking mga magulang sa paghahanap ng ibang pagkakakitaan sa pamamagitan ng paggawa ng suka o coconut vinegar at pagbebenta ng mga saging at gulay,” ani Kim.

“Malaking tulong ang 4Ps lalo na sa financial needs ng aking pamilya at maging sa aking pag-aaral.

Ang cash grants na aming natanggap noon ay responsableng inilalaan ng aking mga magulang sa education at health – sa maayos na paraan,” anito.

Sinabi naman ni DSWD Assistant Secretary for Strategic Communications Romel Lopez na ang tagumpay na nakamit ni Kim ay isang patunay na ang 4Ps, lalo na ang aspeto ng programa na investment sa healthcare at education ng mga batang hindi tataas sa 18-anyos ay nakatutulong sa mahihirap na kababayan upang mapataas ang antas ng kanilang pamumuhay. PAULA ANTOLIN