LALO pang pinatibay ng gobyerno ang pagpapatupad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang batas na nag-iinstitutionalize o magpe-permanente sa 4Ps o tulong sa mahihirap na mamamayan.
Sa 4Ps ay direktang nagbibigay ang gobyerno ng cash sa mga mahihirap na pamilya, na unang sinimulan ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo at ipinagpatuloy ni dating pangulong Benigno Aquino III sa bisa ng isang administrative order.
Nakasaad sa Republic Act 11310 na maaaring umabot sa pitong taon ang pagbibigay ng cash grants, subalit maaaring humaba pa ito base sa rekomendasyon ng National Advisory Council.
Gagamit ang DSWD ng standardized targeting system na tutukoy sa mga benepisaryo ng programa na ire-revalidate kada tatlong taon.
P300 hanggang P700 cash grants ang matatanggap ng kada pamilya.
Papatawan naman ng multa na maaaring umabot sa 100,000 at pagkakakulong ang sino mang magmamanipula sa listahan ng benepisyaryo ng DSWD.
Nabatid na Abril 17 pa nang mapirmahan ni Pangulong Duterte ang batas at magiging epektibo ito 15 araw matapos ang official publication nito sa dalawang pahayagan.
Comments are closed.