KINAPOS ang Filipinas sa podium finish makaraang yumuko sa China, 76-57, sa bakbakan para sa ikatlong puwesto sa FIBA Under-18 Asian Championship kahapon sa Thailand.
Hindi naging maganda ang simula ng Batang Gilas kung saan natapos ang first period na naghahabol ito sa 14-27 deficit.
Mabilis na kumarera ang China sa double-digit lead sa first quarter bago umabante ng hanggang 20 points bago ang break at hindi na lumingon pa.
Nanguna si Quanze Wang para sa Chinese na may game-highs na 27 points at 14 rebounds, bukod pa sa apat na assists, dalawang steals at isang block, habang nag-ambag si Jie Xu ng 18 points, 5 rebounds at 7 assists.
Nagbida naman para sa Batang Gilas ang bigman combo nina AJ Edu at Kai Sotto. Ang 7-foot-1 na si Sotto ay tumapos na may 16 points at 8 rebounds, habang ang 6-foot-10 na si Edu ay tumipa ng 14 points at 8 rebounds.
Ang second-generation star na si Dave Ildefonso, na kumana ng 18 points sa naunang panalo laban sa China, ay nalimitahan lamang sa siyam na puntos sa rematch.
Masaklap ang pagkatalo ng Batang Gilas, na naitala ang 87-82 panalo laban sa Chinese squad sa group stage ng torneo.
Sa kabila ng kabiguan, ang Filipinas ay nakasisiguro pa rin ng puwesto sa FIBA Under-19 World Championship sa susunod na taon.
Ang Philippine youth team ay naunang yumuko sa Australia, 43-77, sa semifinals kamakalawa upang masibak sa kontensiyon.
Comments are closed.