4TH SGLG AWARD SA BULACAN

bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS – Sa ikaapat na pagkakataon, muling inani ng Bulacan ang bunga ng mapanagutang pamamahala nito sa pagkakagawad bilang isa sa mga binigyan ng Seal of Good Local Governance award sa ginanap na awarding ceremony para sa Central at South Luzon sa The Manila Hotel, Tent City nitong Nobyembre 7, 2018.

Tumanggap ang Bulacan ng pananda na sumisimbolo sa mga natamo nito sa pamumuno at Performance Challenge Fund na nagkakahalaga ng P7 milyon na tutulong sa pagtustos sa mga proyektong high-impact capital investment tulad ng tubig at sistema ng sanitasyon, mga kalsada at health centers.

Sinabi ng Kalihim ng Department of the Interior and Local Government Eduardo M. Año na ang pinakamahuhusay lamang ang binigyan ng pagkilala dahil layu­nin nilang higit ang kalidad kaysa sa dami ng nagagawa.

Ipinarating ni Acting Governor  Daniel Fernando ang kanyang pasasalamat sa mga organisasyon at volunteer workers sa lalawigan na walang kapagurang sumusuporta sa Pamahalaang Panlalawigan at sinabi na sila ang dahilan sa likod ng pagtatagumpay ng Bulacan.

“Ang bawat parangal po na aming nakukuha ay hindi para sa amin. Ito po ay alay namin sa inyo sapagkat kayo ang nagsusumikap upang makamtan ng ating lalawigan ang katagumpayan na tinatamasa nito ngayon, kaya ang parangal po na ito ay alay namin sa inyo,” ani Fernando.

Bukod sa Pamahalaang Panlalawigan, pinarangalan din ang tatlong bayan ng Bulacan kabilang ang Pamahalaang Bayan ng Baliwag, Guiguinto at Plaridel.

Ang SGLG ay isang ­progresibong sistema ng pagtatasa na nagbibigay ng pagkilala sa mga katangi-tanging pagganap sa pamamahala sa pitong saklaw ng pamamahala kabilang ang financial administration, disaster preparedness, social protection,peace and order, business-friendliness and competitiveness, environmental management at tourism, at culture and the arts.

A. BORLONGAN

Comments are closed.