Laro ngayon:
(Cagayan de Oro City)
6 p.m. – San Miguel vs NLEX
DINISPATSA ng Rain or Shine ang import-less Phoenix Fuel Masters, 116-99, upang iposte ang kanilang ika-4 na sunod na panalo sa PBA Governors’ Cup kagabi sa Ninoy Aquino Stadium.
Makaraang maghabol sa 29-19, kumana ang Elasto Painters ng 36-point romp sa second period laban sa 26 ng Phoenix, kung saan gumawa si Adrian Nocum ng 19 points sa naturang quarter upang tapusin ang first half sa 55-all.
Pagkatapos ay bumanat ang Rain or Shine ng 7-0 run sa pagsisimula ng third period bago muling naitabla ng Phoenix ang talaan sa 76. Gayunman, isang triple ni Gian Mamuyac ang nagsindi sa isa pang 8-0 run upang bigyan ang Elasto Painters ng 84-76 kalamangan sa pagtatapos ng third quarter.
Umabante ang Elasto Painters ng hanggang 20 late sa final frame bago sinelyuhan ang panalo.
Matapos ang mainit na second quarter, umiskor lamang ulit si Nocum sa fourth period para sa kabuuang 21 points.
Tumipa si import Aaron Fuller ng 28 points, 22 rebounds, 1 assist, at 1 block, habang nag-ambag sina Jhonard Clarito at Andrei Caracut ng 15 at 13 points, ayon sa pagkakasunod.
Nanguna sina RJ Jazul at JJ Alejandro para sa all-Filipino Phoenix na may tig- 12 points. Nanatiling walang panalo ang Fuel Masters sa Group B.
“Mahirap talaga kalaban ang team na ‘yan. They’re going to try their best, they’re going to compensate for the absence of their import,” sabi ni Rain or Shine coach Yeng Guiao.
“Phoenix is a good team, they have the materials. Nag-worry na ako nu’ng una. If you give them the feeling na they could stay with you without an import, delikadong kalaban iyon,” dagdag ni Guiao.
“At a certain point you have to put some distance between you and them. Mabuti sa fourth quarter nakalayo kami.
Pero kung hindi kami nakalayo we will have a long night against Phoenix.”
CLYDE MARIANO
Iskor:
RAIN OR SHINE (116) – Fuller 28, Nocum 21, Clarito 15, Caracut 13, Mamuyac 9, Tiongson 8, Santillan 6, Datu 6, Belga 5, Ildefonso 4, Asistio 1, Lemetti 0, Villegas 0.
PHOENIX (99) – Jazul 12, Alejandro 12, Ballungay 11, Rivero 10, Muyang 9, Tio 8, Salado 8, Perkins 8, Verano 7, Tuffin 5, Mocon 5, Daves 4, Garcia 0, Soyud 0, Manganti 0.
QUARTERS: , 19-29, 55-55, 84-76, 116-99