Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
5 p.m. – Blackwater
vs Eastern
7:30 p.m. – San Miguel vs Rain or Shine
BAGAMA’T wala pang panalo ang Blackwater sa PBA Season 49 Commissioner’s Cup, inaasahan ng guest team Eastern na bibigyan sila ng magandang laban ng Bossing sa kanilang paghaharap ngayong Martes.
Makaraang ipakita ang kanilang husay laban sa reigning Governors’ Cup kingpin TNT sa 105-84 panalo, itutuon ng mga player mula sa Hong Kong (3-1) ang kanilang pokus sa Bossing crew (0-2) na determinadong makapasok sa win column sa kanilang 5 p.m. match sa Filoil EcoOil Centre.
Ang panalo ay magkakalas sa tropa ni Mensur Bajramovic sa pagtatabla sa walang larong NLEX (3-1) at maglalagay sa kanila sa solo third sa likod ng NorthPort (4-0) at Meralco (3-0).
“Each game is tough, each game is a new challenge. PBA teams have different styles of playing and for each game we need to make adjustments,” sabi ng Bosnian mentor, na ang koponan ay naglalaro sa PBA, sa domestic league sa HK, gayundin sa East Asia Super League.
Ang tanging talo ng Eastern sa unang play-for-pay league sa Asia ay mula sa mga kamay ng Rain or Shine, 81-99, sa larong may mga natutunang leksiyon ang tropa ni Bajramovic.
“We didn’t play well against Rain or Shine, we didn’t rotate and switch well on defense and we didn’t move the ball,” aniya.
Sa pagbabalik ni Glen Yang makaraang hindi maglaro sa ROS gig dahil sa passport issues, agad na itinama ng Eastern ang kanilang mga kamalian at bumawi laban sa shorthanded Tropang Giga.
Ang isa pang magandang leksiyon na kanilang natutunan ay ang maging mas matalino sa pagharap sa problema sa trapik sa Metro Manila.
Ang sinakyang bus ng Cameron Clark-powered HK club mula sa kanilang hotel sa Quezon City ay dumating sa Ninoy Aquino Stadium noong warm up time na.
“This (traffic congestion) was a big problem. We already did taping and dressing in the bus actually because we didn’t predict well the (travel) time we needed. Now, we know Manila very well,” ani Bajramovic. “So now we will change our time of leaving from the hotel to come early.”
Ang venue sa San Juan ay mas malapit din sa home base ng Eastern kaysa NAS.
Samantala, sisikapin ng George King-reinforced Bossing na makabawi mula sa pagkatalo sa Magnolia (100-118) at NLEX (95-107).
Si King at ang kanyang teammates ay galing sa nine-day break.
Sa ikalawang laro sa alas-7:30 ng gabi ay magkakasubukan ang San Miguel at Rain or Shine.
CLYDE MARIANO