Mga laro bukas:
(Filoil Flying V Centre)
1 p.m. – AdU vs NU (Men)
4 p.m. – UST vs Ateneo (Men)
SISIKAPIN ng wala pang talong Adamson at ng defending champion Ateneo na patuloy na makalayo sa kanilang mga katunggali sa magkahiwalay na laro sa UAAP men’s basketball tournament bukas sa Filoil Flying V Centre.
Dadagitin ng Falcons ang ika-5 sunod na panalo laban sa National University sa alas-1 ng hapon, habang palalawigin ng Blue Eagles ang kanilang winning run sa apat na laro sa 4 p.m. duel sa University of Santo Tomas.
Nalusutan ng Adamson ang pinakamalaking hamon nito magmula nang gulantangin ang Ateneo sa opener, sa likod ng last-gasp basket ni Sean Manganti upang maungusan ang University of the Philippines, 69-68, noong nakaraang Miyerkoles.
Habang ramdam ng Falcons ang init ng pagiging tanging koponan na wala pang talo sa season, ang Eagles ay nakabalik na sa kanilang championship form.
Galing ang Ateneo sa 89-62 panalo laban sa University of the East noong Miyerkoles.
Sa kabila ng pangunguna ay ayaw magkumpiyansa ni Adamson coach Franz Pumaren kung saan pinaalalahanan niya ang kanyang tropa na manatiling nakapokus.
Muling sasandal si Pumaren sa veteran trio nina Manganti, Jerrick Ahanmisi at Papi Sarr.
Samantala, umaasa ang NU na makabawi mula sa 26 puntos na pagkatalo sa Ateneo, gayundin ang Growling Tigers, na tulad ng Bulldogs ay may 1-2 kartada, mula sa 71-79 loss sa Falcons noong nakaraang linggo.