5.2 TONELADANG BOCHA, NASABAT

Bocha

TINATAYANG aabot sa 5.2 tonelada ng mga iba’t ibang karneng bocha o hot meat ang nasabat ng Manila Police District (MPD) sa dalawang bodega sa Tondo, Manila.

Personal na sumama sa pagsalakay ng MPD – Raxabago station si Manila Vice Mayor Honey Lacuna sa limang  apartment rooms na ginawang bodega at apat  pang bodega sa isang lumang bahay sa 2135-2137 Juan Luna St., sakop ng Barangay 147 Z-13, Tondo.

Ang isa sa sinalakay na bodega sa  2114 Juan Luna St., Gagalangin, Tondo ay nakapangalan umano sa isang Johann C. Sim, anak ni Wong Hong Cheng, may-ari ng isa sa sinalakay sa ari-ari­an 2114 Juan Luna  St., Gagalangin.

Ayon kay Lacuna, pawang mga Chinese national ang mga may-ari ng mga bodega ngunit inaalam pa ang kanilang pagkakilanlan.

Wala rin aniyang gustong magsalita kung saan dini-distribute ang mga frozen meat.

Sa ngayon, isasailalim pa sa inventory ang mga nasabat na bocha tulad ng Peking duck, baboy at dimsum kung saan napag-alaman na wala ring permit o lisensya ang mga bodega na iniimbakan ng mga imported meat.

Maging ang mga sasakyan na nasa compound na may mga kargang illegal meat ay ipinag-utos din na isailalim sa inventory.

Ayon pa kay Lacuna, mahigpit na binabanta­yan ang pagpasok o pag-angkat ng mga ipinagbabawal na karne mula China dahil napakahalaga aniya ito sa kalusugan ng mga mamimili lalo na at may mga African  swine flu .

Hindi lamang kalusugan ng mga mami­mili ang iniingatan kundi maging ang mga poultry o iba pang hayop na maari  umanong mahawa sa pagpasok ng mga illegal meat sa bansa.

Binabantayan na rin  ang posibleng pagbalik ng nasabing mga illegal meat sa merkado kaya mahigpit na rin ang pagbabantay ng lokal na pamahalaan at ni P/Lt. Col. Reynaldo Magdaluyo, hepe ng MPD-Station 1. PAUL ROLDAN

Comments are closed.