5.3-B YEN HELICOPTER SPARE PARTS IBINIGAY NG JAPAN

UH-1H helicopters

PORMAL na tinanggap ng Department of National Defense ang iba’t ibang piyesa para  sa  UH-1H helicopters ng Philippine Air Force  (PAF)  na nagkakahalaga ng 5.3 billion yen mula sa Japanese government kahapon sa Clark Air Base sa Pampanga.

Pinangunahan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, PAF Commanding General Rozzano Bringuez at Japan Assistant Commissioner Toshihiko Fujii ng Acquisition Techno­logy and Logistic Agency ang acceptance, turn-over and blessing ng multi million UH-1H chopper spare parts.

Ayon kay Lorenzana, mapapataas ng mga ibinigay na piyesa ng Japan ang flying rates ng PAF UH-1H chopper ng PAF para tumugon sa mga panga­ngailangan ng AFP kasama rito ang Humanitarian Assistance and Disaster Response.

Pahayag naman ni Toshihiko Fujii, kung may benepisyo ang nasabing spare parts sa  PAF ay para na rin silang nabiyayaan.

Tatlong doble umano ang magiging pakinabang sa mga nasabing piyesa na kinabibila­ngan ng mga bagong makina at rotor blades at iba pang essential parts dahil mahalaga ang mga ito sa Filipinas na isang kaibigan at kaalyado ng Japan.

“And of course we are ho­ping joint interest of the ­Philippine and Japan is to secure prosperity peace and stability of the region. Sinabi pa ni Fuji na umaasa sila na magpapatuloy pa at yayabong ang pagtutulungan ng dalawang bansa para sa katatagan at kapayapaan sa rehiyon,” ayon pa sa opisyal.

Ayon kay Lorenzana, bukod sa mga dumating na piyesa ay magpapadala ang Philippine Navy ng isang barko sa Japan para hakutin ang iba pang mga piyesa na ipagkakaloob  nila.

Nabatid na nililigawan din ngayon ng DND ang Japan kaugnay sa kailangan nilang  radar systems at mga excess na eroplano.

Sinasabing maraming bansa ang naghahangad ng mga nasabing piyesa subalit dahil kaibigan at paborito ng Japan ang Filipinas ay ito ang kauna-unahang bansa na pinagkalooban ng Japanese government ng kanilang sobrang military hardwares.                    VERLIN RUIZ

Comments are closed.