PUMALO sa kabuuang 5,450,557 international visitors ang dumating sa bansa noong 2023, mas mataas sa 4.8 million target arrivals ng Department of Tourism (DOT).
Sa naturang bilang, 91.80 percent o 5,003,475 ang mga dayuhan habang ang nalalabi ay 447,082 overseas Filipinos.
Mula January hanggang Dec. 31, 2023, ang bansa ay nakalikom din ng tinatayang P482.54 billion na international tourism revenue, higit sa doble ng receipts na naitala nito noong 2022.
“My deepest appreciation goes to every tourism stakeholder, collaborative partner, and passionate contributor who propelled our shared aspirations forward. Under President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.’s guiding vision and leadership, tourism has become a pivotal force driving our nation’s economic resurgence,” pahayag ni Tourism Secretary Christina Frasco sa isang statement nitong Martes.
“These numbers speak very well of the performance of the tourism industry under the Marcos Administration,” dagdag pa niya.
Aniya, ipagpapatuloy ng DOT ang ginagawa nito upang maisakatuparan ang bisyon ng administrasyon na magsilbing ‘catalyst’ ang turismo para sa paglago at pagbangon ng ekonomiya.
Mahigit sa one-forth o 1,439,336 ng arrivals ay nagmula sa South Korea.
Sumunod ang United States na may 903,299 tourists (16.57 percent); Japan na may 305,580 (5.61 percent); Australia na may 266,551 (4.89 percent); at China na may 263,836 (4.84 percent).
Pang-anim ang Canada, kasunod ang Taiwan, United Kingdom, Singapore, at Malaysia.
Sinabi ni Frasco na ang visitor receipts noong 2023 ay nagpapakita rin na ang tourism industry ay mas mabilis na nakakarekober kaysa inaasahan.
Ang 2023 international tourism receipts ng bansa ay lumago ng 124.87 percent kumpara sa P214.58 billion na tinatayang visitor receipts noong 2022.
Bago ang pandemya noong 2020, ang DOT ay nakapagtala ng P482.15 billion na international tourism receipts.