MAKARAAN ang tatlong linggong pagyanig sa Surigao del Sur, ang Agusan del Sur naman ang nilindol nitong Sabado.
Sa datos ng Philippine Institute of Volcanology amd Seismology (Phivolcs) magnitude 5.9 ang tumama sa nasabing lalawigan.
Ito na ang pangatlong lindol na naitala sa Mindanao ngayong 2024.
Naitala ang epicenter ng lindol sa 08.67°N, 125.63°E – 002 km S 63° W sa bayan ng Esperanza.
Kinokonsidera ng Phivolcs na tectonic quake ang lindol na naganap bandang alas-11:22 ng umaga na may lalim na 27 kilometro.
Naramdaman ang Intensity II sa Kidapawan City sa Cotabato, at Intensity I sa mga bayan ng Arakan at Kabacan sa Cotabato.
Wala namang naitala na pinsala at aftershocks sa lindol na tumama sa Esperanza.
Sa talaan ng Phivolcs, noong January 17, 2024 ay niyanig ng magnitude 5.7 na tectonic quake sa bahagi ng Surigao del Sur na natunton sa distansya na 48 kilometro sa northeast ng Hinatuan, Surigao del Sur, at nangyari dakong 8:31 ng gabi sa lalim na 10 kilometro.
Ang lindol sa Hinatuan, ayon sa state seismologists, ay aftershock ng mapaminsala na magnitude 7.4 earthquake noong December 2, 2023 sa nasabing bayan.
Martes ng madaling araw noong January 9, 2024, naitala ang magnitude 6.7 na lindol sa Balut Island sa Sarangani, Davao Occidental. EUNICE CELARIO