5 AFP SENIOR OFFICERS ITINALAGA SA TOP KEY POSITIONS

AFP-2

INAASAHAN na ang pagkakaroon ng galawan sa ilang top key position sa Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang appointment ng limang heneral bunsod na rin ng pagreretiro ng ilang senior gene­rals.

Inaprubahan ni Pa­ngulo Duterte ang pagtalaga kay Rear Admiral Alberto Carlos ng Philippine Navy bilang bagong hepe ng Western Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Si Major General Ernesto Torres Jr ng Philippine Army na da­ting pinuno ng Army 10th Infantry Division ay itinalaga ng Pangulo bilang bagong hepe ng AFP Northern Luzon Command.

Bukod kina Torres at Carlos, iniligay din sa bagong posisyon sina Major General William Gonzales PA, Major General Nestor Herico PN(M) at Rear Admiral Rommel Anthony SD Reyes PN.

Pinalitan ni MGen Torres si Brig. Gen. Andrew Costelo na acting commander ng NOLCOM matapos na magretiro si dating NOLCOM Commander LtGen Arnulfo Marcelo B Burgos Jr nuong Disyembre.

Si MGen Gonzales, ang Commander ng 11th Infantry Division ay itinalaga naman bilang The Inspector Ge­neral, AFP simula nitong Lunes bilang kahalili ni BGen Joseph Ferrous S Cuison PN(M) na nagsilbing acting TIG nang magretiro si LtGen Franco Nemesio M Gacal nitong nakalipas na buwan. Habang ang kasaluku­yang Vice Commander ng Philippine Navy na si MGen Herico ay magsisilbing bagong Commandant ng Philippine Marine
Corps sa darating na Pebrero 21 bilang kahalili ni MGen Ariel R Caculitan PN(M) na magreretiro na rin sa serbisyo.

Papalitan naman ni RAdm Carlos, Commander ng Philippine Fleet, ang magreretitong si VAdm Ramil Roberto B Enriquez PN bilang bagong
Commander ng Western Command simula Enero 24. Habang si RAdm Reyes naman ay magsisilbi ngayon bilang The Deputy Chief of Staff AFP simula Pebrero 25 bilang kahalili ni VAdm Erick A Kagaoan na magreretiro na rin. VERLIN RUIZ