TULUYAN nang na-bypass ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ng lima sa mga itinalaga ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Commission on Elections bago pa ang election ban dahil sa katatapos na halalan.
Ito ay dahil sa hindi na nagkaroon ng sesyon ang CA at walang anumang rekomendasyong ginawa ang Committee on Constitutional Commission and offices na pinamumunuan ni Senadora Cynthia Villar.
Wala kasing quorum ang mismong Komite para talakayin ang ad interim appointment ng mga appointee ng Pangulo.
Kabilang sa hindi lumusot sa CA na nominasyon ay sina Commission on Audit Chairperson Rizalina Noval Justiol; Civil Service Commission Chairman Karlo Alexei Bendigo Nograles; Commission on Election (Comelec) Commissioner George Erwin Garcia; Comelec Commissioner Aimee Torrefrancia-Nerina at Comelec Chairman Saidamen Balt Pangarungan na pawang magtatapos sana ang kanilang termino sa Pebrero 2, 2029.
Nabatid na sa limang appointees, tatlo ang mayroong oppositor o tumututol sa appointment ni Garcia na si Leonor Barcelon-Whale; kay Torrefranca-Neri naman ay si Atty. Ferdinand Topacio at kay Pangarungan ay sina Mauyag Papandayan, Khaledyassin Papandayan at Fr. Enrico Montano.
Sinabi naman ni Garcia na kanyang nirerespeto ang naging desisyun ng CA at ipapaubaya na lamang niya sa nanalong Pangulo ang pagpili ng uupo sa puwestong kanilang babakantehin.
Handa naman si Garcia na tumanggap ng appointment sa nanalong Pangulo na si Ferdinand Marcos kung aalukin at sana ay muli sa Comelec siya italaga.
Natutuwa na rin si Garcia sa pangyayari dahil hindi naman nayurakan o nabahidan ang kanilang pangalan dahil sa walang anumang tanong na naganap sa panig nila at tumututol sa kanilang appointment.
Dahil dito, muling babalik si Garcia sa kanyang pribadong buhay bilang abogado at guro.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na maigi na raw na bigyan ng kapangyarihan ang Pangulong Marcos na mamili ng kanilang iluluklok sa mga nabanggit na puwesto.
Gayunpaman, nilinaw ni Zubiri na dumalo ang mga miyembro ng Senado sa CA subalit walang sinumang miyembro ng Kamara ang dumating. VICKY CERVALES
Nirerespeto ang pasya ng Comelec
NIRERESPETO ni Comelec Chairman Saidamen Pangarungan ang desisyon ng Commission on Appointments na hindi maaksiyunan ang kumpirmasyon ng kanilang ad interim appointment.
Sa kabila na na-bypass dahil sa kakulangan ng quorum sa gitna ng pagsasara ng 18th Congress, sinabi ni Pangarungan na maipagmamalaki pa rin nito ang naging tagumpay ng 2022 national at local elections.
Binigyang-diin nito ang pagtataguyod ng karapatan ng mga Pilipino na makaboto lalo na’t umabot ng 83.07% ang voter turnout, naging mapayapa rin sa kabuuan ang proseso at mabilis ang bilangan at proklamasyon.
Naniniwala si Pangarungan na sa tagumpay ng eleksiyon ay maaari sana siyang makumpirma ng CA kung nagkaroon lamang ng quorum bago magsara ang 18th Congress.
Kasabay nito, pinasalamatan ni Pangarungan ang mga tauhan ng Comelec sa naging tulong nito sa tagumpay ng eleksiyon at isa aniyang karangalan na maging pinuno ng poll body.
Sinabi naman ni Garcia na kung siya ang tatanungin ay sampung beses niyang pipiliin ang Comelec dahil propesyunal ang mga tao sa election body.
Kasunod ng pagka-bypass ng mga appointee ni Pangulong Duterte, naiwan na lang ngayon sa Comelec sina Commissioners Marlon Casquejo, Socorro Inting, Aimee Ferolino at Rey Bulay. Jeff Gallos