5 BAGAY NA MAITUTURO SA MGA EMPLEYADO PARA MAGTAGUMPAY SILA SA TRABAHO AT BUHAY

homer nievera

KUMUSTA,  ka-negosyo? Nawa’y nasa mabuti kang kalagayan. Unti-unti nang binubuksang muli ang ekonomiya sa harap ng banta ng COVID-19. Kaya naman kahit may agam-agam ang karamihan, nagbabakasakali pa rin ang mga negosyante na makabawi-bawi habang tuloy pa rin ang mahigpit na pagpapatupad ng health protocols. Sa pitak na ito ngayon, ang pagtuturo sa mga empleyado para sa personal na tagumpay nila ang ating tatalakayin. Ano nga ba ito?

Tandaan na ang masayang empleyado ay malaki ang pakinabang ng kompanya. Kaya naman dapat mong isakatuparan ang iba’t ibang paraan upang magtrabaho nang masaya at matiwasay ang mga tauhan mo, ‘di ba? Sa isang banda, nais mo ring makitang nagtatagumpay sila sa larangan (at kompanya!) na kanilang napili. Kaya narito ang ilan sa mga tips. O siya, tara na at matuto!

#1 Mahabaang istratehiya and gawaing ito

Alam ng mga negosyante lalo na ang mga nasa HR na hindi ganoon  kabilis matuto ang mga bagong na-hire mo na mga empleyado. Maraming panahon ang gugugulin para sa training, coaching at mentoring para lumabas ang tunay na potensiyal nila.Bukod dito, ang kasanayan nila o skills ay madedebelop sa pamamagitan ng ilang buwang praktis. Tingnan mo rin ang mga mas nakatatandang empleyado. Dapat mag-level up na rin ang skills nila.

#2 Alam mo dapat paano maiparating ang mensahe

Karamihan ng mga empleyado, matagal man o bago pa lang, ay nakararamdam  na sila ay walang boses sa kompanya. Nasa kultura rin kasi ang pagpapalawig nang maayos at bukas na komunikasyon. At ang maayos na komunikasyon sa isang kompanya ay mahalaga sa lahat ng tao na nagtatrabaho rito. Tandaan na ang paggalaw bilang isang team ng kompanya ay nakasalalay sa maayos na komunikasyon. Kung hndi, magkakawatak-watak ang mga tauhan at lider. Kaya naman dapat ituro sa mga tauhan na maging bukas sa pakikipag-usap sa mga tao, lalo na sa mga boss. Ang pagkakaroon ng bukas na komunikasyon ay laging nanggagaling mula sa itaas.

#3 Resolbahin ang mga hidwaan at di-pagkakaunawaan

Wala naman sigurong perpektong organisasyon na walang mga partidong ‘di nagkakaunawaan. Marami kasing mga kompanya ang ‘di basta nireresolba ang mga hidwaan kaya madalas lumalaki ito o kaya’y pinanggagalingan ng pag-resign ng mga tao. Kaya may tama ito sa pagiging produktibo. Unang-una, may mga tamang proseso sa pag resolba ng mga hidwaan at ‘di pagkakaunawaan sa mga organisasyon. Kailangang maging propesyunal ang paghawak sa mga ganitong sitwasyon. Ang mga tauhan din ay dapat nakakaalam ng halaga ng pagkakaroon ng boses sa mga miting patungkol sa pagresolba ng hidwaan. ‘Di man ito basta-basta mapayapa, ang mahalaga ay alam ng mga tao na may lugar para ito pag-usapan nang propesyunal.

#4 Magkaroon ng pagbabalanse sa trabaho at buhay

Ano man ang trabaho ng bawat isa sa mga tauhan mo, Karapatan nila ang pagkakaroon ng pagbabalanse ng oras sa pagtatrabaho at sa buhay nila. Mas mainam na ‘wag papayagang mag-uwi ng trabaho ang mga tauhan. Lalo na ngayong may mga naka-work from home, dapat, nasa tamang oras lang ang pagtatrabaho.Gayundin kapag Sabado at Linggo (kung hanggang Biyernes lang ang trabaho), bigyang halaga ang pahinga ng mga empleyado. Magkaroon din ng sapat na programa ang kompanya kung saan magkakaroon ng bonding ang mga empleyado at ‘di trabaho ang pag-uusapan. Kung virtual man ito dahil sa pandemya, basta maglagak ka ng oras.Sa huli, respetuhin ang oras nila.

#5 Matutunan ang pangangasiwa sa oras

Ito na siguro ang isa sa pinakamahalagang aspeto upang magkaroon ng balance ang buhay at pagtatrabaho ng lahat ng tauhan at lider man sa iyong negosyo – oras! Lalo na ngayong panahon ng krisis at pandemya, ang daming bagay na maaaring makasira ng oras ng lahat ng tao. Lalo pa’t work from home, ang daming bagay na makasasagabal sa tamang oras ng trabaho at ibang bagay na makagugulo sa oras. Ang ganang akin, mas mahalaga ang target at resulta sa bawat gawain.Kung paano ito magagawa at sa anong paraan, gawin lang. Ang mahalaga, may oras para sa lahat. Yan ang itatak mo sa isipan ng mga tauhan mo.

Konklusyon

Ang pagnenegosyo ay may halong hirap at saya. ‘Wag kang tututok lang sa hirap kundi sa saya na dulot nito. Sa pagkakataong ito, may mga inaalagaan kang mga tauhan na sana ay maging matagumpay din sila sa larangan na kanilang napili. Matulungan mo sana silang abutin  ang rurok ng tagumpay.

Tandaan din, sa lahat ng bagay, dasal, tiyaga at tiwala sa sariling kakayahan ang kailangan upang mag tagumpay, ka-negosyo!



Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Magmensahe lamang sa email na chief@negosentro.com kung may mga katanungan.

Comments are closed.