CAVITE- APAT ang nasawi habang isa ang sugatan sa sumiklab na sunog kahapon ng hating-gabi sa Barangay Biwas sa bayan ng Tanza na tumupok sa limang kabahayan.
Itinaas sa 2nd alarm ang sunog dakong alas-12:03, hindi na nakalabas ng bahay ang mga natutulog na biktima na isang babaeng senior citizen, 68-anyos; isang 39-anyos na lalake at dalawang menor na 12-anyos na lalake at 5-anyos na babae at sugatan naman ang isa pa nilang kaanak na babae.
Idineklarang fire under control bandang ala-1:14 ng madaling araw bago tuluyang naapula pagsapit ng alas-2:39 ng madaling araw kung saan rumesponde ang 12 trak ng bumbero mula sa loob at labas ng Cavite na nagtulong-tulong sa pag-apula ng apoy.
Tinatayang humigit kumulang sa P9 milyong halaga ng mga ari-arian ang natupok sa sunog.
Ayon sa BFP, kasalukuyan pa silang nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon para matukoy ang pinagmulan ng sunog habang inihahanda na rin nila ang final at official report na ilalabas sa nangyaring insidente. SID SAMANIEGO