5 BARANGAY SA PASAY NAAYUDAHANG MEDIKAL

Medical

NAGSANIB-PUWERSA ang Pasay City Host Lions Club, National Press Club, TV network na UNTV at Ang Da­ting Daan para tugunan ang kahilingan ng Reporters Organization of Pasay City at local police ng Pasay City para sa ayudang medikal sa mga residente ng lungsod.

Ginanap ang Medical, Dental, Legal and Optical Mission at Gift-Giving sa Pasay City Sports Complex sa FB Harrison St. kung saan aktuwal na nakinabang ang may 377 residente at libo-libong iba pa mula sa mga Barangay 76, 77, 78, 53 at 54 dahil sa mga ipinamigay ng lions club.

Kabilang sa mga serbisyong natanggap ng mga residente ng Pasay City ang libreng pagpapasuri sa mata, dugo, bunot ng ngipin at mga gamot.

Nabiyayaan din ng reading glass, bitamina at iba’t ibang gamot ang mga nagpasuri.

Kasabay ng medical mission ang feeding program sa mga nagpasuri.

Bukod sa mga nabanggit na serbisyo, nag­handog din ang Pasay City Host Lions Club sa pamumuno ni President Lydia B. Bueno, MJF, ng mga libreng nebulizer, blood pressure monitor, metformin at micronutrients sa limang barangay at ilang indibiduwal.

Nagpasalamat naman ang mga residente mga organizer at ma­ging kay PCol. Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police na nangasiwa sa seguridad ng paligid ng pinagdausan ng naturang aktibidad.

Sa mensahe ni Bueno, sinabi nitong handa ang Pasay City Host Lions Club para tumugon sa mga kahilingang tulong habang nagpasalamat din ito sa mga tumulong para maging matagumpay ang nasabing medical mission.

“Thank you very much to all who have joined and supported the MEDICAL, DENTAL, LEGAL AND OPTICAL MISSION AND GIFT GIVING of PCHLC, NPC and UNTV in cooperation with the Reporters’ Organization of Pasay City and Pasay City Police,” ayon kay Bueno.

Mayroon ding senior citizen na nakatanggap ng cash gift mula sa PCHLC sa nasabing event.

Pinuri naman ni Rolando “Lakay” Gonzalo, pangulo ng NPC, ang UNTV at ADD na laging kaagapay ng NPC sa mga kahalintulad na kawanggawa.

Pahayag din nito na malapit sa kanya ang Pasay City dahil may panahon na nanirahan siya roon at isang pribilehiyo na makapaglingkod siya, hindi lang sa kapulisan at mamamahayag kundi sa mga ordinar­yong tao na nanga­ngailangan ng tulong.

Inaasahang magpapatuloy ang ganitong gawain hindi lang sa Metro Manila kundi sa mga lalawigan. M. FERNANDEZ

Comments are closed.