5 BIR EXECS UNDER FIRE?

Erick Balane Finance Insider

DISMAYADO si Presidente Rodrigo Duterte sa patuloy na korapsiyon sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Kamakailan ay nadakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isinagawang entrapment ­operation sa Greenhills, San Juan ang tatlong ahente ng Makati BIR Regional Investigation Division.

Mahigpit na binalaan ni BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay ang lahat ng opisyal at empleyado ng ahensiya na agad sisibakin sa puwesto ang sinumang masasangkot sa katiwalian at mabibigong makuha ang iniatang sa kanilang tax collection goal.

May limang revenue executives pa ang kasalukuyang pinaiimbestigahan ng Malacañang dahil sa report na  kung hindi man sangkot ay may alam sa mga nagaganap na katiwalian sa BIR, bagama’t hindi muna sila pinangalanan.

Ikinainit ng ulo ni Pangulong Digong ang pagkakaaresto kamakailan sa naturang mga NBI agent na pawang nakatalaga sa BIR Makati City Regional Investigation Division (RID) dahil sa pangongotong sa isang business taxpayer na may-ari ng isang malaking restaurant.

Ang may-ari ng restautrant na diumano’y may pagkakautang na P75,000 sa BIR ay hini­ngan umano ng mga ito ng  P600,000 bilang ‘lagay’ o ‘kotong’ kaya dinampot ng NBI agents sa ikinasang entrapment operation matapos ireklamo.

Bagama’t kinasuhan na sa Office of the Ombudsman ang tatlong BIR agents sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Code of Conduct of Ethical Standards for Public Officials and Employees, sinabi ni NBI Spokesman Ferdinand Lavin na ipagpapatuloy pa rin nila ang imbestigasyon ukol dito sa posibilidad na marami pang kasangkot na mga opisyal sa kasong ito.

Ang NBI din, ayon pa sa source, ang magsasagawa ng imbestigasyon laban sa limang BIR executives na sinasabing sangkot sa iba pang anomalya.

Ang isa sa limang bi­nabanggit na ‘under fire’ ay incharge sa operations, samantalang ang apat na iba pa ay pawang mga hepe ng revenue district officers.

Ang sinasabing incharge sa operations ang diumano’y utak sa pagdukot ng mga malalaking kaso sa RDOs sa pakiki­pagsabuwatan sa mga hepe ng revenue district officers na siyang dahilan ng pagbagsak ng tax collections sa district level at dahilan naman kung bakit lumobo nang husto ang tax collections ng Large Taxpayers Service (LTS).

Pinasisilip din ni Commisioner Billy kung saan aabot ang ‘command ­responsibility’ sa entrapment case na kinasasangkutan ng tatlong BIR-RID agents upang malaman kung sino sa BIR regional directors o Revenue District Offi­cers ang pumirma sa  ginamit na ‘mission order’ sa ­pangongotong.

Bago nadakip ang nasabing mga BIR-RID agent ay may mga nauna pang opisyal at kawani ng BIR na naaresto sa entrapment dahil sa pangongotong sa taxpayers.

Ang ganitong pangyayari sa BIR ay labis na ikinadidismaya ni Presidente Digong.

Una nang inalok ng Malacañang si Commissioner Dulay ng puwestong mababakante sa Monetory Board ng Banko Sentral ng Pilipinas dahil sa umano’y makukulit na BIR officials and men na nasasangkot sa katiwalian. Plano rin ng Malacañang, ayon pa  sa source, na italaga si Commissioner Billy sa Government Service Insurance System (GSIS) subalit ang lahat ng ito ay masusi pang  pinag-aaralan ng BIR chief.

Ilan sa mga posibleng pumalit kay Commissioner Billy sa BIR, ayon pa sa source, ay sina dating BIR Commissioner Sixto Esquivias, GSIS Chairman and President Clint Aranas, former BIR Senior Deputy Commissioner for Operations Nestor Valeroso at dating BIR Tax Fraud Division Chief Arnold Romero.

Mas pinapaboran umano ng makapangyarihang Makati Business Club ang pagtatalaga sinuman kina  Valeroso at Romero bilang bagong BIR chief sakaling  tanggapin ni Dulay ang posisyon sa BSP o GSIS.

Ang desisyon ukol dito ay ipinauubaya na ng Malacañang sa search committee na inatasang pumili sa posibleng pumalit kay Dulay.

Pero kung si Commissioner Billy ang tatanungin, mas gusto niyang  manatili sa BIR dahil sa magandang collection performance na ipinamalas nito sapul nang nombrahan ni Presidente Duterte sa rekomendasyon si Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III.



Para sa mga komento at opinyon, mag-text lamang po sa  09293652344 o mag-email sa [email protected].

Comments are closed.