(5-buwan ng Marcos admin) P9.9-B HALAGA NG DROGA NASAMSAM

UMAABOT sa P9.9 bilyong halaga ng iligal na droga ang nasamsam sa unang limang buwan pa lamang nang pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, hindi rin bababa sa 24,159 na drug suspects ang naaresto mula Hulyo 1 hanggang Nobyembre 24 ngayong taon.

“We will harness the power of the government, communities, youth, schools, churches, the private sector, and every Filipino. We envision a nation in which no life is lost because of drugs,” batay sa mensahe ni Abalos na binasa ni DILG Director Marlo Guanzon sa ginanap na press conference nitong Huwebes.

Magugunitang aabot sa 6,200 drug suspects ang napatay sa kampanya kontra droga ng Duterte administration, pero sa tantiya ng rights group ay umabot sa 10,000 ang totoong bilang ng mga namatay.

Pangako naman ni Marcos na ipagpapatuloy ang giyera sa droga ngunit nakatuon ito sa rehabilitasyon.

Sinabi naman ni PNP chief General Rodolfo Azurin na hindi bababa sa 46 drug suspect ang napatay ng mga pulis mula nang maupo si Marcos sa kapangyarihan, pero giit naman ng mga aktibista na ang tunay na bilang ay higit sa isang daan.

Ngunit iginiit ni Azurin na hangga’t maaari ay sinubukan ng mga pulis na iwasan ang pagpatay sa mga drug suspects.

Kamakailan ay inilunsad ng DILG ang “Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan” o BIDA campaign, isang nationwide anti-illegal drugs program na nakatutok sa demand reduction at rehabilitation.

Sinabi ng ahensya na humigit-kumulang 25,000 katao ang nangako ng suporta para sa inisyatiba. EVELYN GARCIA