5% DISCOUNT SA SCHOOL SUPPLIES

school supplies

BAGAMA’T libre na ang kolehiyo sa mga pampublikong paaralan, dagdag na benepisyo pa rin para sa mga mahihirap na estudyante ang isinusulong gaya ng pagkakaloob ng 5 percent discount sa iba’t iba nilang pangangailangan sa eskuwelahan.

Ayon kay Senador Sonny Angara, layon nito na mapagaan nang husto ang gastusin ng pamilyang Filipino at  ma­tiyak na makapagtatapos ng pag-aaral ang kani-kanilang mga anak.

Aniya, dapat bigyan ng 5 percent discount ang mahihirap na estudyante sa  pagkain sa restaurant, gamot, libro at iba pang school supplies.

“Ginagawa po natin ang lahat para masigurong wala nang dahilan para hindi makapagtapos ng pag-aaral ang ating mga anak sa pamamagitan ng mga batas na ating nagawa at kasalukuyang isinusulong,” saad ng senador.

Pirma na lang din, ­aniya, ni Pangulong Rodrigo ­Duterte ang kailangan para maisabatas ang panukalang permanenteng pagpapatupad sa 20 percent fare discount sa mga estudyante sa buong taon matapos itong lumusot sa dalawang kapulungan ng Kongreso.

Ipinahayag ito ng senador sa kanyang pagbisita sa ­Pangasinan nitong Huwebes kung saan naroon ang halos 60 higher education institutions na kinabibilangan ng Pangasinan State University sa Lingayen City at siyam pang satellite campuses sa buong lalawigan.

Sa Senate Bill 134 o ang panukalang Underprivileged Students’ Discount Act na inihain ni Angara, hindi lamang ang pinakamahihirap na estudyante kundi maging ang mga naka-enroll sa technical-vocational institutions ang pagkakalooban ng diskuwento sa mga bibilhing libro, pagkain, gamot at school supplies. Kasama rin sa diskuwento ang babayaran nila sa pagpasok sa mga museo at pagdalo sa cultural events.

“Nilalayon ng panukala nating 5-percent student discount na mapagaan ang bigat ng mga gastusin sa paaralan, lalo na ng mga mag-aaral mula sa mahihirap na pamilya,” sabi pa ni Angara.

Sa ilalim pa rin ng SB 134, ang lahat ng establisimiyento na tatalima sa diskuwentong ito ay makatatanggap naman ng tax incentives  mula sa pamahalaan. Ang mga mapatutunayan namang lalabag ay may kaukulang parusa.   VICKY CERVALES

Comments are closed.