ININSPEKSYON ngayong Sabado ni Land Transportation Office (LTO) Chief Jay Art Tugade ang dalawang malaking terminal ng bus sa Metro Manila sa layong tiyakin na ligtas na bibiyahe ang mga pampasaherong sasakyan lalo na ang mga patungong lalawigan.
Unang tinungo ni Tugade ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITx) at isa sa mga ininspeksyon na bus ang hindi pinayagang makabiyahe dahil sa pudpod na gulong at may problema sa ilaw nito.
Maliban sa pagsusuri kung pasado sa road worthiness ang mga pampasaherong bus, isinalang din sa breath analyzer test at random drug test ang ilang mga drayber at kundoktor upang masigurong nasa tamang kondisyon at alerto ang pag-iisip ng mga maghahatid ng pasahero.
Mula sa hindi bababa sa walumpung drayber at konduktor na sumalang sa drug test sa PITX, apat ang nagpositibo sa ilegal na droga na isasalang sa confirmatory test subalit kumpiskado na ang lisensya sa pagmamaneho nito bunsod ng paglabag sa Section 5 ng Republic Act 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2015.
Wala namang nagpositibo na lasing o nakainom ng alak mula sa mga sinuring drayber.
Namahagi rin ang LTO ng mga kopya ng Filipino Driver’s Manual bilang pagpapa-alala sa mga drayber hinggil sa pag-ingat sa pagmamaneho.
Sumunod na tinungo ng LTO Chief ang Araneta Bus Terminal sa Cubao, Quezon City kung saan ay nagsagawa rin ng random drug tests sa mga drayber at kundoktor ng bus at mula sa tinatayang animnapung sinuri, isa sa kanila ay nagpositibo sa ilegal na droga.
“Tuloy-tuloy ang pagtutok ng puwersa ng LTO sa buong bansa sa kaligtasan ng mga bibiyahe hindi lamang ng mga pampubliko kundi maging ng mga pribadong sasakyan,” pahayag ng LTO Chief. BENEDICT ABAYGAR JR.