(5 drivers positibo sa drug test) 15 PUVs NA-IMPOUND SA ANTI-COLORUM OPS NG LTO

NA-IMPOUND ang may 15 Public Utility Vehicles (PUV) matapos ang ikinasang anti-colorum operations ng Land Transportation Office (LTO) sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor D. Mendoza II, kasabay ito ng isinagawang road worthiness inspection at sorpresang drug test ng LTO-National Capital Region sa pamumuno ni Regional Director Roque Verzosa III sa PITX na nagresulta sa pagkakahuli ng limang tsuper matapos magpositibo sa paggamit ng iligal na droga.

Naimpound ang siyam na bus, tatlong UV Express, dalawang Jeepney at isang taxi dahil sa kolorum nang walang maipakitang katibayan ang mga tsuper ng dokumento na nagsasabing maaari silang mag operate.

Sinabi naman ni Director Francis Almora, pinuno ng LTO Law Enforcement Service na ang operasyon ay alinsunod sa atas na paigtingin ang intelligence gathering gayundin ang pagpapatupad ng batas laban sa mga kolorum na PUVs.

Ayon pa kay Verzosa, tinatayang aabot sa kabuuang 101 na mga tsuper ng PUV ang sumailalim sa drug test bilang bahagi ng inspeksyon.
PAULA ANTOLIN