KALABOSO ang 5 extortionists makaraang malambat ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Anti-Violence Against Women and Children Division (NBI-AVAWCD) sa isinagawang entrapment operations sa isang mall sa Quezon City noong nakalipas na Linggo.
Kinilala ni NBI Officer-in-Charge Director Eric B. Distor ang mga suspek na sina Rowena Nava y Cuison, Jeffrey Brequillo y Sanchez, Norman Solsona y Abella, Lando Banzon y Manio, at si Efren Dela Pena y Buluran.
Ayon kay NBI Director Distor, nakatanggap ng reklamo ang nasabing ahensiya laban sa mga suspek na inaangkin ang malawak na lupain ng biktimang itinago sa pangalang Albert.
Nabatid sa reklamo na ang mga suspek ay nanghihingi ng malaking halaga sa biktima para maibalik ang kanyang pag-aaring lupain.
Makaraang makakuha ng mga sapat ebidensiya laban sa mga suspek sa kasong grave coercion at robbery extortion ay inilatag ng NBI ang entrapment operation.
Agad na pumuwesto ang mga operatiba ng NBI-AVAWCD sa iba’t ibang bahagi ng mall kung saan pinagkasunduan ng biktima at mga suspek ang bayaran at naaktuhan naman ang modus operandi ng limang extortionists.
Magkakasabay na binitbit ang mga suspek saka dinala sa NBI-AVAWCD office para sa standard booking proceedings bago i-inquest sa Quezon Ciry Prosecutor’s Office. MARIO BASCO