LIMANG video games ang pasok sa kauna-unahang e-sports tournament sa 2019 Southeast Asian Games na gaganapin sa Filipinas.
Ayon sa Philippine SEA Games Organizing Committee, ang lima ay kinabibilangan ng Dota 2, Mobile Legends: Bang Bang, Star Craft 2, Arena of Valor at ang console game na Tekken 7.
Napili ang nasabing mga laro dahil nanguna ang mga ito sa gaming platforms na masusing sinuri ng komite.
Isinaalang-alang din sa pagpili ang pagkakaroon ng teamwork sa naturang mga laro.
Ito ang unang pagkakataon na kabilang ang e-games sa medal events ng isang major sporting competition.
Taliwas sa naunang report, ang NBA 2K at Hearthstone ay hindi nakasama sa talaan.
Gayunman, ang NBA 2K, na maaaring laruin sa isang gaming console, ay maaari pang makapasok dahil pinag-uusapan pa ng Razer, ang pangunahing sponsor ng SEA Games eSports event, at PHISGOC ang iba pang console games na isasama sa event.
Ang naturang event ay magiging gender-inclusive, kung saan ang national teams ay maaaring buuin ng pinaghalong male at female gamers.