5 GAWAING MAGPAPALAGO SA ECOMMERCE SHOP MO

homer nievera

KUMUSTA na, ka-negosyo? Nasa ikalawang yugto na tayo ng pandemya kung saan unti-unting binubuksan ng gobyerno ang ating  ekonomiya sa pamamagitan ng pagpayag sa mga bagay na ipinagbawal noong ECQ. ‘Yun nga lang, natural sa mga tao ang matakot pa rin dahil na rin sa biglang paglobo ng mga may kaso ng COVID-19. Sa huling nabasa ko, nasa ikalawang puwesto na tayo sa ASEAN sa mga aktibong kaso ng virus sa likod ng Indonesia.

Sa ganitong panahon at sitwasyon, dahil na rin sa disiplina ng nakararaming Filipino, nananatiling nasa bahay ang  maraming tao. Dahil din dito, lumalawak ang paggamit ng komersiyo online. Ito ang pag-tutuunan ng ating pitak – ang ecommerce shop mo. ‘Di man kaya ng isahang pagsasalarawan dito, sana ay may matutunan pa rin kayo kung paano palalaguin ang inyong ecommerce na negosyo. O siya, tara na at matuto!

 #1 Saliksikin ang merkadong gagalawan mo

Noong simula ng pandemya, may mga kilala akong negosyante na nag-pivot patungong online shop mula sa kanilang pinagsimulaang negosyo. Isa rito ay ang Grocer Genie PH na pinamumunuan ni Abby Victorino. Naging kaklase ko sa AIM-Dado Banatao program si Abby at ilan niyang kasama sa negosyong StyleGenie na may kinalaman sa mga kasuotan para sa mga milenyal. Bandang Abril, sa kasagsagan ng ECQ, binuo nina Victorino ang Grocer­Genie PH nang makita nila ang pangangailangan sa grocery items ng mga taga-NCR at hirap na gawin nga ito dahilsa ECQ at mahigpit ang lockdown. Ang mabilis na de-sisiyon na gawin ito ay bunga ng eksperiyensiya niya sa larangan ng ecommerce at sa mga datos ukol sa merkadong sakop niya. Ngayon, ilang buwan pa lang ang nakararaan  mula nang sila ay magsimula sa GrocerGenie PH, isa na sila sa pinakamahusay sa larangan ng ecommerce ng grocery items. Tandaan na ang pagsasaliksik sa merkadong nais mong pasukan ay mahalaga kung nais mong palaguin ang nego-syong ecommerce  mo.

 #2 Ayusin ang operasyon

Ang larangan ng ecommerce ay naiiba nang bahagya sa tradisyunal  na tindahan. Dahil na rin sa teknolohiya, ang pag-market at ang pag-track sa iyong mga benta ay napapadali na. Lalo na sa larangan ng delivery, kayang-kaya na rin ito dahil sa delivery apps. Pagtuunan mo una ng pansin ang pagplano sa operasyon lalo na patungkol sa imbentaryo at platform na gagamitin mo.Ang desisyon sa paggamit ng Lazada o Shopee, Shopify, o sariling platform ay pinagpaplanuhan ayon sa operasyong alammo na dati o ikaw ay magsisimula pa lang. Kung dati ka nang nakasubok ng iba’t ibang paraan ng online negosyo, baka naman dapat ka nang gumawa ng sarili mong ecommerce website. Mayroon akong kilalang isang malagong  ecommerce shop na tatlo lang sila rito. Bakit? Dahil nalaman nila na ang kolaborasyon at pakikipag-partner sa mga mayroon nang teknikal na  platform at mayroon nang network ay makaga-gaan ng kanilang trabaho.  Huwag mo lang kalimutang irehistro nang maayos ang lahat patungkol sa shop mo para gawing legal lahat.

#3 Paggamit ng Digital Marketing

Kung nagsimula kang magbenta sa Facebook o Instagram (o pareho), alam mo na ang larangang tinutu-koy ko. Subalit bukod sa social media pages o accounts, mayroon  pang mga gawaing ginagamit ng mga matagumpay na ecommerce shops. Ito ang email. Kung nakatatanggap ka ng mga email ng offers, isa ito sa ginagamit  hanggang ngayon. Kaya mainam na laging  itabi ang email ng mga taong umo-order sa iyo. Isang simpleng hack ay ang pag-export ng lahat ng emails mo na nasa Gmail. Hanapin sa google  paano gawin ito, dahil ang paraang ito ang panimula ng iyong email database. Ang  tools gaya ng Mail-Chimp ay maayos na platform para mag-send ng maraming emails sa isang pindot lang. Isa pang paraan ay ang paggamit ng mga social media schedulers gaya ng Hoostsuite. Ako, ginagamit ko ang Content Pilot kung saan nakuha ko lang sa isang one-time lifetime payment na $39. Kaya naikabit ko ang 40 so-cial media accounts ko mula sa Facebook at Twitter para maipadala ang mga links sa aking  mga blog.

Ang digital marketing ay mahalaga sa ecommerce shop mo lalo na’t marami kang makakalaban. Heto ang mga  bagay na dapat  gamitin kung nais umangat:

  • Blog/Vlog
  • SEO
  • Social Media Sche­duler
  • Sariling Ecommerce Website

#4 Pangalagaan ang Customer Service

Kung pumapasok na ang mga kostumer mo sa iyong ecommerce shop, pangalagaan mo ang customer service. Ang simpleng pagpapasalamat ay malaki ang patutunguhan. Tandaan mo na ang pa­ngangalaga sa mga kostumer mo ay upang sila ay bumalik nang bumalik. Loyalty ng mga kostumer ang susi sa tagumpay ng mga online shop. Paano ba gagawin ang simpleng customer service? Ang pagkakaroon ng auto-reply na “Thank You!” ay super simpleng gawain, ‘di ba? Gayundin sa mga auto-reply sa Facebook Messenger at iba pang apps. Ang pagi­ging bukas sa comments mabuti man o maanghang ay paraan din ng customer service kung saan bukas ka sa kahit na anong feedback. Ang pagkakaroon din ng return-item o exchange-item o 30-day money-back guarantee ay excellent na paraan ng customer service. Ang buod nito ay ang pagiging maasikaso sa kostumer online gaya na rin ng gawain offline. Tandaan na maraming tools ngayon na nagpapasimple ng customer service. Gawin mo ito.

#5 ‘Di pag-intindi sa sitwasyon ng mga tauhan

Ang mga tauhan mo mismo ay mahalagang aspeto ng iyong negosyo. Ilagay mo kaya ang sarili mo sa lugar ng mga tauhan at malalaman mo ang ibig kong sabihin. Ma­ging sensitibo sa kanilang kalagayan at kung kayang work-from-home, mas ok. Kung ‘di naman, ayusin ang bawat aspeto ng kanilang buhay dahil  kung wala sila, mahihirapan ka rin naman. Sa panahon ng krisis, lahat tayo ay iisa ang  pinagdadaanan, at iisa lang dapat ang layunin – ang mai-angat ang negosyo at makapagpatuloy na kumita upang maitaguyod ang pamilya. Tandaan mo ‘yan, ka-negosyo.

Konklusyon

Ang pagiging produktibo ng bawat isa ay mahalaga. ‘Yan ang magsisiguro ng pag-angat ng online negosyo. Sa panahon ngayon at kailan pa man, ang mahalaga ay lagi kang  magdasal at magtiwala sa Diyos na Siyang may tunay na hawak  ng magagandang plano para sa iyong buhay. Sipag at tiyaga at ang maa­yos na relasyon sa kapwa ay pangalagaan lagi– anuman ang marating mo sa buhay.

o0o

Si Homer ay isang technopreneur at makokontak sa email niyang [email protected].

Comments are closed.