5 GAWAING MAGPAPAUNGOS SA NEGOSYO MO SA BETTER NORMAL NG 2021

homer nievera

KUMUSTA, ka-negosyo? Nawa’y nasa mabuti kang kalagayanmatapos ang sunod-sunod na unos na dumaan sa bansa, lalo na sa buong Luzon. Maraming mga negosyo ang nalugmok dahil sa mga krisis na ito. Marami ring mga negosyo ang tumulong at patuloy na tumutulong sa mga nasalanta. Kasama rito ang dalawa sa mga kliyente ko na Glorious Industrial Development Corporation at ang Domino’s Pizza Philippines. Kudos sa inyo at mabuhay! Sa pitak na ito, ilalarawan ko ang limang bagay na makatutulong upang makaungos ka sa 2021. Malamang, naiisip mo na ito. Bukod sa mga gawaing makapagpapalakas  sa negosyo mo, kung ano-anong bagay ang makatutulong naman para malampasan mo ang mga kakumpitensiya mo, ‘di ba?O siya, tara na at matuto!

#1 Balikan ang iyong USP

Sa larangan ng marketing, mahalaga ang pagkakaroon ng kaibahan sa iyong produkto na ipagmamalaki mo laban sa kumpetisyon. Ang tawag dito ay USP – o ang Unique Selling Proposition. Sa madaling salita, ang USP ang siyang natatanging bagay sa miyong produkto o serbisyo na nagsisilbing naghihiwalay sa iyo sa iba. Siguro naman kahit paano ay naisip mo na itong bagay na ito. Kung hindi pa, ngayon na ang pagkakataon upang malaman mo ang iyong USP o kaya’y makagawa nito. Halimbawa, sa mga sabong panlaba, iyong unang naglagay ng fabric softener ang siyang naglagay nito bilang kanyang USP. Nang lumaon, may sumunod na ring iba. Kaya ang ginawa naman ng manufacturer ay naglagay naman ng kakaibang amoy – iyong amoy pabango! Kalaunan, may mga gumaya na rin sa ganitong USP. Kaya naman, tinarget naman nila ang sariling  fabric softener na ang kaibahan ay tumatagal ng buong araw kahit pinawisan na ang nagsuot ng damit na nilabhan gamit ang fabric softener nila. Ganyan ang gagawin nila nang paulit-ulit upang laging maihiwalay at makaungos ang kanilang pridukto o serbisyo sa isipan ng mamimili. Ang mahalaga sa bagay na ito ay ang komunikasyon ng mensahe ng iyong USP sa mga mamimili. Kung paano mo ipalalaganap ang mensaheng ito ay siyang magiging pangunahing gawain na dapat balangkasin sa mga istratehiya mo sa 2021.

#2 Buuin ang iyong ASP

Kung may USP, may kakambal itong ASP – ang iyong Authentic Selling Proposition. Kung ang USP ay may kinalaman sa pagkakaiba ng produkto o serbisyo mo sa iba, ang ASP naman ay kung ano ang TUNAY na kaibahan nito sa iba. Nakakalito ba? Ang pagdating ng social media ay nagpalaganap ng mga mensaheng tunay at ‘di tunay. Dahil sa social media, nauso ang fake news.  Kaya naman dahil dito, mas maraming pagdududa ang mga mamimili. ‘Di na sila basta-basta naniniwala sa mga bagay-bagay na lumalabas sa social media. Kaya naman dapat mong ipalaganap ang tunay na bahagi o features ng iyong produkto at ipalaganap ito sa tamang pagtimpla ng mga mensahe sa social media at sa iba’t ibang lugar sa online gaya ng mga blogs. Isang halimbawa ay ang aming isang negosyo na may kinalaman sa digital marketing. Marami na kasing mga gumagawa ng mga serbisyong may kinalaman sa social media at digitam marketing nang kabuuan. Kaya naman alam namin na marami kaming kalaban. Noong minsang nag-planning kami, nabilang namin ang pag-aari naming mga website na mahigit 30. Kaya naisip namin na ito na mismo ang ASP namin. Tunay na pagkakaiba ito kasi ng kung ang mga ibang digital marketer ay makapagbibigay ng serbisyong pagsusulat, SEO, pagbuo ng website, pag-manage ng social media at iba pa, walang kompanyang may mahigit 30+ na websites na puwedeng paglagakan ng mga ads at gamiting PR. Kami lang ‘yung mayroong ganito. ‘Di ito makukuwestiyon kasi nga ay totoong-totoo.Kaya naman para sa iyo, ka-negosyo, hanapin ang ASP mo at ito ang ipalaganap sa iyong mga komunikasyon.

#3 Saliksikin ang kumpetisyon

Ilang beses ko na itong paulit-ulit na isinasama sa aking mga suhestiyon. Bakit? Marami kasing mga negosyante ang kampante na sa kanilang kalagayan. Kung ‘di mo i-challenge ang iyong sariling kakayahan, mauungusan ka ng mga kakumpetensiya mo – ‘yung  mga datihan na o kahit na yung mga bago. Sa larangan naman ng content marketing, marami kaming kalaban sa mundo. Ang nabanggit kong ASP ay nanggaling sa pagsasaliksik ng ibang kumpetisyon. Nagplano kami upang makilala ang pagkakaiba namin. Sa totoo lang, sa sarili naming kakayahan, mayroon kaming mahigit 1 milyomg followers sasocial media sa iba’t ibang komunidad na hawak namin. Nakita kasi namin sa mga kumpetisyon na walang hawak silang ganoon karaming followers – kami lang!

Tiningnan  din namin ang mga istratehiya kung paano sila kumikita. Ang kita kasi ng kumpetisyon ay komisyon sa budget na kanilang pinamamahalaan. Kaya naman ang istratehiya nila ay palakihin ang sisingiling budget na sa huli, naging pababaan na lang ng komisyon. Ang ginawa namin ay ang tinatawag na “retainers fee” na may buwan-buwan na fixed management fee. Malaki man o maliit ang budget ng kliyente, alam na nila ang fees namin. Sa ganitong panahon ng krisis, dapat makakatipid ang kliyente, ‘di ba? Kaya sa amin, nakakatipid sila dahil ang ibinabalik naming halaga o values ay mahigit doble (o triple!) sa ibinabayad nila sa amin. Ikaw, nasilip mo na ba at naanalisa ang kumpetisyon?

#4 Gumamit ng teknolohiya

Isa sa mga kalamangan namin sa Negosyo namin sa digital marketing ay ang pagkakaroon ng iba’t ibang teknolohiya nanagpapabilis at nagpapaayos ng aming trabaho. Isa rito ay ang social media scheduler na siyang nakalagak sa lahat ng mgasocial media na aming pag-aari. Pag set up namin ng mga ilalagay na content, isang pindot lang at mahigit 40 na social media pages at groups ang lalabasan nito. Bukod dito, maiiskedyul na rin ang mga posts hanggang kailan mo gusto. Sa larangan naman ng website forensics, iba’t ibang tools o teknolohiya ang ginagamit namin. Bago pa kami mag-propose ng istratehiya, ibibigay na muna naming sa kliyente ang estadong website nila. Siyempre, walang hula-hula ang aming mga ibibigay na rekomendasyon kasi nai-forensics na namin ito. Pati na rin ang paggawa ng mga report kung saan may mga software na kaming ginagawa na siya na ring nag-aanalisa ng mga datos na napakarami talaga! Kaya kung may mga bagay na makakaungos sa’yo laban sa iba, gumamit ka ng teknolohiya.

#5 Kilalaning mabuti ang kostumer

Kung kikilalanin mo ang iyong kalaban sa negosyo, lalo na siguro ang iyong kostumer, ‘di ba? Dahil sila na mismo ang nag-aakyat ng benta sa iyo. Ang negosyong di kinikilala ang kostumer niya ay may malagim na kasasadlakan. Isang halimbawa ay ang kasalukuyang pandemya na maraming negosyong brick and mortar o ‘yung mga walang gamit na ecommerce. Nasaan na ang karamihan dito? Nawala na, ‘di ba? Ang mga nagpatuloy lamang ay ‘yung mga nakalipat agad sa ecommerce at ‘yung mga ecommerce ang pinasukang negosyo. Naging maagap kasi sila sa pag-alam kung ano ang nais ng mga kostumer.Noong walang lockdown, 80 porsiyento ng mga namimili online ay COD (cash on delivery) ang gusto. Noong kasagsagan ng pandemya, naging 80 porsiyento ang paggamit ng Gcash,  Paymaya, BDO, BPI at iba pa sa pagbabayad. Takot kasing humawak ng pisikal na pera ang mga tao.Kaya mahalagang kilalanin nang husto ang kostumer mo. Nabanggit ko na ang pagbuo ng Persona ng kostumer mo, ilang pitak na ang nakararaan. Search mo lang ang website kong homernievera.com at mababasa mo ito dun.

Konklusyon

Iba na ang mundo. Iba na rin ang paraan ng pagnenegosyo, lalo na sa 2021 dahil sa pandemya. Kahit pa magkaroon ng bakuna laban sa COVID-19, ‘di na ulit babalik sa dati ang mundong pagnenegosyo natin. Handa ka na ba para rito? Tandaan din, sa lahat ng bagay, dasal, tiyaga at tiwala sa sariling kakayahan ang kailangan upang magtagumpay, ka-negosyo!

o0o

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Magmensahe lamang sa email na [email protected] kung may mga katanungan.

Comments are closed.