5 HPG COPS, 4 PA SABIT SA KIDNAP SLAYING

LAGUNA-INILAGAY ngayon sa restrictive custody ang limang tauhan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group ( PNP-HPC) matapos na isangkot sa kaso ng pagkawala ng isang negosyante at pagkamatay ng isang car sales agent kasunod ng ginawang pagsalakay ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa kanilang impounding compound sa Brgy. Paciano Rizal sa Calamba, Laguna.

Hinihinalang sangkot ang ilang tauhan ng Highway Patrol Group (HPG) sa Laguna sa pagkawala ng isang negosyante na kinilalang si Jamie Faramil Jr base sa initial na pagsisiyasat ng PNP-CIDG.

Sa inilabas na pahayag ng hepe ng HPG na si Brig. Gen. Rommel Marbil, nasa ilalim na ng restrictive custody ang kanilang mga tauhan at hindi kukunsintihin ang mga ito kung napatunayang may kinalaman sila sa krimen.

Patuloy ang imbestigasyon ng CIDG sa insidente kung saan may limang police officers at apat na sibilyan mula HPG sa Calamba ang itinuturong mga suspek.

Nabatid na mahigit isang buwan nang nawawala si Faramil at ang buy-and-sell agent na kinilalang si Rodrigo Dueña II na kasama nitong nagtungo sa Manila noong Disyembre 26 , 2021 at hindi na nakauwi pa.

Habang si Dueña ay nakitang patay na sa Tayabas, Quezon noong Disyembre 30.

Sa isang pahayag ni Lt. Col. Ariel Huesca, PNP-CIDG Quezon Provincial Officer, sa media ay hinihinalang ilang uniformed personnel ang sangkot dito .

Natagpuan ang sasakyang gamit ng mga biktima sa Silang, Cavite noong Enero 3 na natagpuan ng mga barangay tanod at nang dumating ang mga pulis ay kinuha ito.

Nabatid na noong Disyembre 29, may katransaksyon pa umano ang mga biktima para bilhin ang isang sasakyan sa Biñan, Laguna. Babae umano ang ka-text nila, pero lalaki ang sumipot sa tagpuan kung saan natukoy na striker pala ng HPG na isang lalaki ang nagte-text sa kanila. VERLIN RUIZ/ARMAN CAMBE