CALOOCAN CITY – ARESTADO ang lima katao na kinabibila ngan ng tatlong babae at dalawang lalaki matapos mabuking sa aktuwal na pagsinghot ng shabu makaraang isumbong ng kapitbahay na may nagaganap na pot session sa loob ng bahay ng isa sa mga suspek, Lunes ng gabi sa Bagong Silang.
Batay sa nakalap na report mula kay PCol. Noel Flores, hepe ng Caloocan City Police, nakilala ang mga suspek na sina Daisy Escober 34-anyos, residente ng Phase 1, Package 3; alyas Josh, 19-anyos, construction worker; Jerry Regis; Michelle Camacho; at Maria Virginia Padua, 31-anyos, ng Bagong Silang.
Inaresto ang limang suspek ng mga tauhan ng Police Community Precinct 3 ng Caloocan City Police dahil sa aktong pot session bandang 7:00 noong Lunes ng gabi sa bahay ni Escober.
Ayon kay Flores, isang concerned citizen ng Barangay 176 ang nagsumbong sa pulisya kaugnay sa nagaganap na pot session ng mga suspek kaya agad na ikinasa ang follow-up at naaktuhan ang mga suspek na humihithit ng shabu.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang dalawang sachet ng shabu, dalawang aluminum foil strips, dalawang aluminum foil tooters at lighter habang tatlong sachet ng shabu ang nakuha mula kay Escober nang ito ay kapkapan.
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Caloocan Police detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa anti-illegal drugs. VICK TANES
Comments are closed.