MAKAKALIKOM ng karagdagang P17 bilyon ngayong taon ang ipinatupad na 5% increase sa premiums ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).
Ito ang tiniyak ni PhilHealth CEO and President Emmanuel R. Ledesma Jr., at sinabing epektibo ang increase simula ngayong January hanggang sa susunod taon.
Ang 5% increase ay katumbas ng P500 para sa premiums ng direct contributor o mga empleyado na sumasahod ng P10,000 pataas kada buwan.
Habang ang sumasahod ng P100,000 kada buwan na kadalasan ay professional, executives at overseas workers gaya ng seafarers ay P5,000 ang contribution.
“Floor to ceiling, P10,000 up and P100,000 up,” ayon kay Ledesma.
Habang ang mga walang trabaho o mga walang kakayahan ay dapat lumapit sa kanilang local government units para bumalikat sa premiums na tinatawag na indirect contributor.
Pagtitiyak naman ng Philhealth, layunin ng increase na matustusan ang kanilang programa para sa health benefits ng nasa 115 milyong Pilipino kasama na ang health care system na Konsulta, na libreng konsulta sa kalusugan sa mga accredited laboratory, diagnostic center kung saan sakop nito ang libreng gamot, gayundin ang primary care services
Kasama rin sa benepisyong alok ng Philhealth ang Z benefit o iba’t ibang pakete o package ng sakit mula diabetes, cancer, coronary artery bypass at iba pa.
Pahayag pa ng Philhealth, ang lahat ng malilikom na contributions ng mga miyembro ay gagamitin sa pagtulong sa pagpapagamot.
Dagdag pa ni Ledesma, pantay-pantay ang benepisyong makukuha mg miyembro at walang exclusivity, maging direct o indirect contributor.
Tiniyak din ni Ledesma na sakaling i-freeze ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapatupad ng increase gaya noong isang taon ay tatalima sila. “We give up P17 billion but still, our services continue,” ani Ledesma.
EUNICE CELARIO