MAY kasabihan: “Kung magtatanim ka ng isip, aani ka ng kilos; kung magtatanim ka ng kilos, aani ka ng pag-uugali; kung magtatanim ka ng pag-uugali, aani ka ng pagkatao; kung magtatanim ka ng pagkatao, aani ka ng tadhana.” Samakatuwid, ang tadhana o destiny ay galing sa wastong pagpapasiya ng tao, hindi sa suwerte-suwerte o tsamba. Ang pagyaman ay galing sa wastong kapasiyahan; ang kahirapan ay galing sa maling kaisipan. Ang mga taong umaasa sa suwerte ay mauuwi sa kamalasan. Ang suwerte at malas ay pulos pamahiin; walang tamang batayan. Sayang, binigyan pa naman tayo ng Diyos ng napakalaking utak; tapos ay hindi pala natin gagamitin; umaasa pa rin tayo sa malas at suwerte.
Isip ang simulain ng lahat ng tagumpay at kabiguan. Diyos ang nagbigay sa atin ng kapangyarihang mag-isip at magpasiya nang tama. Walang makakapag-kontrol ng isip ng tao kundi ang tao ring iyon. Ikaw ang tanging hari o reyna ng iyong pag-iisip. Kaya walang masisisi sa ating kapalaran kundi ang ating sarili. Kaya hasain natin at gamitin sa wasto ang ating pag-iisip. Ang sabi ng salawikaing Filipino, “Ang isip ng tao’y balaraw man din; kung hindi ihasa, hindi tatalim.” Nahahasa ito sa pamamagitan ng pag-aaral, pagbabasa, pakikinig sa aral ng mga taong matagumpay sa buhay, pakikipanayam sa mga eksperto, pakikipagtalastasan sa mga matatalinong tao; at higit sa lahat, pagbabasa ng Banal na Kasulatan.
Ang attitude ay isang isip. “Attitude, not aptitude, gives altitude” (Zig Ziglar). Ang ating kaisipan, hindi ang ating pinag-aralan, ang talagang nagbibigay ng pag-angat sa buhay. Maraming tao ang nakapag-aral naman, subalit dahil sa kanilang masamang attitude, hindi pa rin umaasenso. Halimbawa, maraming mga empleyado ang tapos sa kolehiyo, subalit dahil hindi naghuhusay sa trabaho, at puro lang reklamo, madali silang ma-burn out, at hindi sila nabibigyan ng mas mataas na puwesto.
Mayroon ding mga tao, kahit mababa lang ang pinag-aralan, subalit dahil sa maganda ang kanilang attitude sa trabaho, sila ay dahan-dahang umaasenso. Ang taong maganda ang attitude sa trabaho ay may pagkukusa, gusto niyang pagbutihin ang trabaho; hindi siya mareklamo; may sipag at tiyaga; nagsusumikap na mapabuti ang kanyang gawa; gusto niyang masaya ang boss o customer niya. Dahil dito, hasang-hasa ang kanyang kakayahan. Hinahangaan ang kalidad ng kanyang gawain. Inirerekomenda siya sa mas mataas na posisiyon. Tumataas ang kanyang kita. ‘Pag nagnegosyo siya, handang-handa na siya dahil eksperto siya sa kanyang gawain. Kumakalat ang balita tungkol sa kanyang kahusayan. Dumarami ang tumatangkilik sa kanya.
Ano ang humuhubog sa attitude ng tao? Bakit mayroong maganda ang attitude at mayroon ding masama ang attitude? Sabi ni Dr. Harry Oshima, may limang institusyon sa lipunan na humuhubog sa attitude ng tao. Ang una ay ang tahanan. Dapat kakitaan ng mabuting halimbawa ang mga magu-lang. Kapag ang mga magulang ay tamad at reklamadaor, malamang na magkaroon ng masamang attitude sa trabaho ang mga anak.
Ang pangalawa ay relihiyon. Kapag ang relihiyon ng isang tao ay puro pamahiin at mga doktrinang gawa-gawa lang ng tao, magiging madilim ang pag-iisip ng taong iyon. Subalit kung ang relihiyon ay nagtuturo ng karunungan at katotohanan, at ang mga hilimbawa ay ang mga matatapang at masigasig na tauhan sa Bibliya, malamang na maging maganda ang attitude ng mga tao.
Ang pangatlo ay ang paaralan. Kung ang paaralan ay pipitsugin o diploma mill, at ang mga guro ay tamad, malamang na maging bulakbol ang mga estudyante at lalaking masama ang attitude. Kung ang paaralan ay nagtuturo ng katalasan ng pag-iisip, magiging mahusay ang mga estudyante.
Ang pang-apat ay ang media. Kung ang binabasa, pinanonood, at pinakikinggan ng mga tao ay puro sex, karahasan, at pamahiin, magiging mangmang ang mga tao. Ang dapat ituro ng media ay mga halimbawa ng mga taong umasenso dahil sa sipag at tiyaga.
Ang panlima ay ang workplace o pagawaan. Kung ang mga tagapangasiwa ng opisina ay tamad at corrupt, magiging tamad din ang mga tao; subalit kung ang mga manager ay halimbawa ng kasipagan at katapatan, magiging mahuhusay ang mga tao.
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.