NAGSIMULA nang makipag-ugnayan ang Meralco sa mga unibersidad sa labas ng bansa na kilala sa pagkakaroon ng mahusay na programa sa engineering kagaya ng University of California sa Berkeley, University of Illinois, Korea Advanced Institute of Science and Technology, University of Ontario Institute of Technology, at Université Paris–Saclay.
Bahagi rin ng FISSION ang isang taong internship program mula 2027 hanggang 2028. Magagamit at masusubok ng limang iskolar ang lahat ng kanilang mga natutunan mula sa graduate program sa isang taong pagsasanay sa mga pasilidad ng SMR gaya ng Atomic Energy of Canada Limited (AECL) at Ultra Safe Nuclear Corporation (USNC), na kapwa bahagi ng kasalukuyang ginaganap na Giga Summit.
Kapag nakumpleto na ang graduate at internship program, ipatutupad ng Meralco ang Re-entry Action Plan upang maihanda ang pagbabalik ng limang iskolar sa Pilipinas sa taong 2029.
Sa kanilang pagbabalik, ibabahagi nila ang kanilang kadalubhasaan sa Meralco at sa pamahalaan.
Ang proseso ng aplikasyon para sa unang batch ng programa ay magsisimula sa taong 2024.
Magbibigay ng karagdagang impormasyon ang Meralco sa mga susunod na buwan para sa mga interesadong maging bahagi ng programa.
Bilang pinakamalaking distribyutor ng koryente sa bansa, maagap ang Meralco sa paghahanda para sa pagpasok ng teknolohiya ng nuclear sa bansa.
Noong Marso 2023, ipinahayag ng Meralco ang kahandaan nito na magbigay ng mga scholarship upang magkaroon ng eksperto sa nuclear energy ang bansa.
Binigyang diin ni Mr. Pangilinan ang kahalagahan ng pagbuo ng regulasyon at pagkakaroon ng mga propesyonal sa bansa na may sapat na kakayahan at kaalaman na pangunahan ang pagtutulak sa paggamit ng nuclear energy sa Pilipinas.
Sa pamamagitan ng Meralco Power Academy, gagampanan ng Meralco ang papel nito na suportahan ang mga inisyatiba ng pamahalaan.
Patuloy rin ang kompanya sa pakikipagtulungan sa mga ahensya ng pamahalaan gaya ng Department of Energy at ng Energy Regulatory Commission, akademya, at mga miyembro ng pribadong sektor upang masigurong mayroong sapat at maaasahang suplay ng koryente ang bansa sa hinaharap. Elma Morales